May 1, 2025

PH ECONOMY PASADO SA INTERNATIONAL RATINGS: ‘BBB’ CREDIT RATING NG PILIPINAS MULING PINATUNAYAN NG FITCH

MAYNILA – Muling pinagtibay ng international credit rating agency na Fitch Ratings ang ‘BBB’ credit rating ng Pilipinas na may “Stable” outlook—isang malinaw na indikasyon ng tiwala ng mundo sa matatag na ekonomiya ng bansa sa kabila ng mga hamon sa pandaigdigang kalakalan at pulitika.

Ikinatuwa ni Finance Secretary Ralph G. Recto ang anunsyo, at sinabing, “Ang muling pagkilala ng Fitch sa ating credit rating ay isang makapangyarihang boto ng tiwala sa Pilipinas bilang isang pag-asa sa gitna ng global na kawalang-katiyakan. Patunay ito sa tibay ng ating pundasyong pang-ekonomiya at sa kredibilidad ng ating mga reporma.”

Dagdag pa ng kalihim, nananatiling bukas ang bansa sa mga dayuhang mamumuhunan, kasabay ng maingat na pamamahala sa pondo ng bayan.

Ang ‘BBB’ rating ay isang investment grade na nagpapahiwatig ng mataas na kakayahan ng Pilipinas na makabayad sa utang, dahilan para bumaba ang interes sa pangungutang ng gobyerno at mapababa ang gastos sa pagbabayad ng utang.

Ayon sa Fitch, nananatiling matatag ang ekonomiya ng Pilipinas dahil sa domestically-driven growth, na nagbibigay ng proteksyon laban sa pandaigdigang pag-urong. Tinatayang lalago ng 5.6% ang ekonomiya sa 2025, dahil sa malakas na paggasta sa imprastruktura, serbisyo, at konsumo, na sinusuportahan ng steady na remittance mula sa mga OFW.

Kinilala rin ng Fitch ang tagumpay ng gobyerno sa pagpigil sa mataas na inflation at ang pagbawas sa policy rates—lahat ay makakatulong sa masiglang aktibidad ng pribadong sektor.

Sa medium-term, inaasahan na lalampas sa 6% ang annual growth ng bansa—doble sa karaniwang antas ng mga bansang may parehong rating.

Positibo rin ang pagsusuri ng Fitch sa pagbawas ng government deficit at debt-to-GDP ratio, na inaasahang bababa sa 3.6% at 54%-55% sa susunod na dalawang taon.

Gayunman, binalaan din ng Fitch ang posibleng epekto ng political uncertainty, global trade tensions, at mga pagbabago sa teknolohiya—lalo na sa outsourcing sector ng bansa. Ngunit tiniyak ni Recto na handa ang pamahalaan na sumagot sa mga hamong ito sa pamamagitan ng mga repormang tulad ng CREATE MORE Act at mga pamumuhunan sa teknolohiya at edukasyon.

“Humarap man tayo sa unos ng pandaigdigang merkado, nananatili tayong matatag at handang sumabay sa pag-unlad,” diin ni Recto.