April 29, 2025

Sarah Discaya, Nangakong Ilalapit ang Serbisyo Medikal sa Bawat Tahanan ng Pasig Seniors

PASIG CITY — Isinapubliko ni Pasig City mayoral candidate Sarah “Ate Sarah” Discaya ang kanyang mga plano para sa mga senior citizen at kabataan ng lungsod sa ilalim ng kanyang plataporma na nakatuon sa serbisyong may malasakit at makataong pamumuno.

Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Discaya ang kahalagahan ng pagbibigay ng dignidad at kaginhawaan sa mga lolo at lola na aniya’y matagal nang naglingkod para sa pamilya at bayan. Isa sa kanyang pangunahing programa ay ang house-to-house delivery ng maintenance na gamot upang hindi na kailangan pang pumila sa initan o ulan ang mga matatanda.

“Bawat gamot na ihahatid, simbolo ito ng malasakit. Bawat pag-abot, paalala ito na mahalaga kayo, na hindi kayo nakakalimutan,” ani Discaya.

Dagdag pa niya, hindi kahinaan ang paggaya sa mga mabubuting halimbawa mula sa ibang lugar. “Kung kaya ng iba, kaya rin ng Pasig,” giit ng kandidata.

Bilang bahagi ng kanyang adbokasiya para sa edukasyon, isinusulong din ni Discaya ang pagtatayo ng Pasig Smart City School Complex, isang modernong paaralan na aniya’y magbibigay ng ligtas at makabagong kapaligiran sa mga mag-aaral — mula elementarya hanggang kolehiyo.

Ang proyekto ay layuning magtayo ng maaliwalas na mga silid-aralan, magbigay ng kumpletong school supplies at uniforms, at tiyaking sapat ang guro para sa bawat mag-aaral. “Walang estudyanteng mapag-iiwanan,” pangako ni Ate Sarah.

Bilang No. 2 sa balota sa pagka-alkalde ng Pasig, iginiit ni Discaya na ang kanyang kampanya ay nakaugat sa tunay na serbisyo, malasakit, at pagmamahal sa bawat Pasigueño. “’Pag may pag-ibig, may paraan. At pag may malasakit, walang malayo, walang mahirap, walang imposible,” pagtatapos ni Discaya. (ARNOLD PAJARON JR)