
PARAÑAQUE CITY — Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang lalaking South Korean na parehong hinahanap ng Interpol at mga awtoridad sa Seoul dahil sa pagkakasangkot sa multi-milyong dolyar na investment scams.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang isa sa mga nadakip na si Kim Young Sam, 58 anyos, na dinakip ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit noong Abril 22 sa loob ng kanyang tahanan sa BF Homes Village, Parañaque City.
Habang isinasagawa ang operasyon, natuklasan din ng mga awtoridad ang presensya ng isa pang Korean fugitive na si Weon Cheolyong, 59 anyos.
Ayon kay Viado, si Kim ay agad nang ide-deport matapos siyang ipadeport ng BI Board of Commissioners noong Disyembre 2021 dahil sa pagiging “undesirable alien”. Mayroon din siyang Interpol Red Notice na inilabas noong 2018 matapos siyang kasuhan ng Seoul Central District Court kaugnay ng iligal na paglikom ng pondo para sa isang diumano’y cryptocurrency business.
Batay sa imbestigasyon, mula pa noong 2015 ay nakalikom umano si Kim at ang kanyang mga kasabwat ng mahigit 3 bilyong piso mula sa 253 biktima sa pamamagitan ng panlilinlang.
Samantala, si Weon naman ay napag-alamang overstaying alien at may kinakaharap ding mga kasong investment fraud sa Korea, na nagdulot ng halos ₱17 milyon na pagkalugi sa 14 na biktima. Nasa BI custodial facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang dalawang banyaga habang hinihintay ang kanilang deportation.
More Stories
LIBRENG SAKAY SA MRT-3, LRT-1 AT 2: ALAY NI PBBM PARA SA MGA MANGGAGAWA SA LABOR DAY
OCD Bicol, Todo na ang Tugon sa mga Apektado ng Bulkang Bulusan Eruption
Trillanes, ‘Di Pinatulan ang Hamon ni Robin Padilla: “Parang Bata, Napakababaw”