April 28, 2025

Banggaan nina Rep. Ading Cruz at Lino Cayetano sa Taguig-Pateros, Lalong Umiinit sa Papalapit na Halalan

(LARWAN MULA KAY LINO CAYETANO/FB)

Lalong umiinit ang labanan sa pagka-kongresista ng 1st District ng Taguig-Pateros sa pagitan ni Rep. Ricardo “Ading” Cruz Jr. at dating mayor at kongresista Lino Cayetano para sa darating na halalan sa Mayo 12.

Kasama nila sa laban sina Allan Cerafica ng Partido Federal ng Pilipinas, at mga independent candidates na sina Peter dela Cruz at Ricardo Opoc.

Si reelectionist Cruz, na tumatakbo sa ilalim ng Nacionalista Party at Team Lani Cayetano (TLC), ay inendorso pa ng kapatid ni Lino na si Senador Alan Peter Cayetano at hipag niyang si Taguig Mayor Lani Cayetano. Samantalang si Lino Cayetano ay kumakandidato sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition (NPC).

Isang forum para sa mga kandidato ang inorganisa ng Commission on Elections (Comelec) ng Pateros noong Abril 26 at 27. Parehong dumalo sina Cruz at Cayetano sa unang araw ng forum, ngunit hindi na sumipot si Cruz sa ikalawang araw.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Lino Cayetano, “Ang usapan haharapin lahat at pag uusapan lahat… Pagkatapos ng lahat, ang dumating lang sa forum para kinatawan ng unang distrito ay si Engineer Allan Cerafica.”

Dagdag pa niya, “Okay lang yan. Karapatan naman ng lahat mamili ng entablado. Pero kung hindi haharap sa Comelec Candidates Forum, sana’y huwag gamitin ang entablado ng TLC para manira o magkalat ng black propaganda.”

Nanawagan din si Lino na pag-usapan na lamang ang mga isyu, plataporma, at mga programa sa halip na magsiraan, at bigyan ng pagkakataon ang mga botante na pumili nang malaya.

Samantala, sa isang video message, iginiit ni Rep. Ading Cruz ang kanyang pagkadismaya sa umano’y paghamon at hindi pagsunod ni Cayetano sa itinakdang format ng Comelec forum.

“Lubos po ang aking pagkadismaya sa ginawa ng isa sa aking katunggali sa pagsalungat sa naunang itinakdang estruktura ng Comelec,” ani Cruz.

Ipinahayag din niya na pinuna at pinagsabihan umano ng Comelec si Cayetano dahil sa kanyang naging asal, at nilinaw na ang kanyang mga pahayag ay pawang nakabatay lamang sa katotohanan.

Patuloy ang mainit na banggaan sa pagitan ng dalawang heavyweight candidates sa distrito habang papalapit ang araw ng halalan, kung saan inaabangan ng mga botante kung sino ang mananaig sa pagkuha ng tiwala ng mamamayan.