
Isang lalaki na nagpanggap bilang Assistant Secretary ng Land Transportation Office (LTO) ang naaresto sa isang entrapment operation sa Cubao Terminal Complex, Quezon City noong Sabado, Abril 26.
Ayon kay LTO Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, agad niyang inatasan ang Intelligence and Investigation Division (IID) Chief Renante Melitante na magsagawa ng imbestigasyon matapos siyang maabisuhan ukol sa panloloko. Nakipag-ugnayan si Melitante sa Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) upang matunton at mabitag ang suspek sa tulong ng ilang biktima.
Batay sa testimonya ng mga biktima, kinontak sila ng suspek at inalok na makalalabas ang kanilang mga na-impound na colorum buses kapalit ng P250,000 bawat isa — malayo sa aktwal na multang P1 milyon para sa ganitong paglabag.
Nadiskubre rin sa paunang imbestigasyon na nagpapakilala ang suspek bilang si “Asec Mendoza” at nag-aangking siya lamang umano ang makakapagpalaya sa mga hinuling sasakyan, bagay na mariing itinanggi ng tunay na opisyal. Matatandaang naglabas si Mendoza ng memorandum noong nakaraang taon na nagsasabing tanging court order lamang ang maaaring magpalabas ng mga impounded vehicles dahil sa colorum violations.
Bandang 1:45 ng hapon, sa Cubao Terminal Complex, nakipagtransaksyon ang mga awtoridad sa suspek. Nahuli siya matapos tanggapin ang boodle money na may kasamang marked P1,000 bill. Nasamsam mula sa kanya ang marked money, boodle money, isang driver’s license, at dalawang cellphone.
Kasalukuyang inihahanda ng mga imbestigador ng LTO at PNP-ACG ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Article 177 (Usurpation of Authority) at Article 315 (Swindling/Estafa) ng Revised Penal Code, kasabay ng paglabag sa Section 6 at Section 4(b)(3) ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Pinuri ni Asec Mendoza ang mabilis na aksyon ng LTO-IID at PNP-ACG. Aniya, personal niyang imomonitor ang kaso upang matiyak na mapaparusahan ang suspek.
“Hindi po natin palalampasin ang mga ganitong uri ng pangloloko sa ating mga kababayan,” mariing pahayag ni Mendoza.
Nagbigay rin siya ng babala sa publiko, lalo na sa mga Public Utility Vehicle (PUV) operators, na huwag makipagtransaksyon sa mga scammers at agad iulat sa LTO o PNP ang anumang insidente ng extortion, name-dropping, o iba pang ilegal na gawain.
More Stories
Banggaan nina Rep. Ading Cruz at Lino Cayetano sa Taguig-Pateros, Lalong Umiinit sa Papalapit na Halalan
2 Bangkay na Nakatali ang Kamay, Natagpuan sa Boundary ng San Mateo at Antipolo
Lapid Inendorso ang 10 Senate Bets ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas sa Pampanga