May 17, 2025

3 HUMAN TRAFFICKERS KINASUHAN MATAPOS IREKLAMO NG OFW VICTIMS

LARAWAN MULA SA BI

MANILA – Tatlong hinihinalang human traffickers ang kinasuhan matapos ang isinagawang inquest ng National Bureau of Investigation–International Airport Investigation Division, ayon sa ulat ng Bureau of Immigration (BI) nitong Sabado.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, isinampa ang kaso noong Abril 24 sa Office of the City Prosecutor ng Pasay City, batay sa sinumpaang salaysay ng pitong overseas Filipino workers (OFWs) na naging biktima ng trafficking.

Sa imbestigasyon, lumabas na ang mga biktima ay pinangakuan ng trabaho ngunit sa halip ay napilitang magtrabaho sa mga operasyon ng cyberscam sa ilalim ng matinding pisikal na abuso at pananakot.

Inilahad ng mga biktima na sila ay na-recruit online at pinayuhang magpanggap bilang mga turista o OFW upang makalusot sa mga awtoridad. Ngunit pagdating nila sa Myanmar, sila ay ikinulong sa mga scam compound kung saan sila’y binugbog, sinilaban ng kuryente, at hindi binayaran ng tama lalo na kapag hindi nakamit ang araw-araw na scam quota. Wala rin umanong pahinga ang ilan sa kanila at nagtamo pa ng matinding psychological trauma.

Dahil sa takot sa koneksyon at impluwensiya ng mga traffickers, nag-atubili ang marami sa kanila na magsampa ng reklamo.

Na-repatriate ang mga biktima noong Abril 23 sa tulong ng Department of Foreign Affairs, Overseas Workers Welfare Administration, Department of Migrant Workers, Department of Social Welfare and Development, at ng Philippine Embassy sa Cambodia.

Binigyang-diin ni Viado na ang mga hakbang ng pamahalaan laban sa human trafficking ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na protektahan ang mga Pilipino laban sa makabagong anyo ng pagkaalipin at transnational crimes.

“Kaisa kami ng Pangulo sa layuning protektahan ang bawat Pilipino laban sa human trafficking,” pahayag ni Viado.

Nagpasalamat din ang BI sa Department of Justice–Inter-Agency Council Against Trafficking sa matatag na suporta at pagtulong upang maisampa ang kaso.