April 25, 2025

VP SARA DUDA SA TIMING NG P20/KILO NG BIGAS ROLLOUT: PANAHON NG ELEKSYON? MEDYO KAHINA-HINALA

MANILA — Ikinuwestiyon ni Vice President Sara Duterte ang timing ng implementasyon ng P20 kada kilong bigas sa Visayas, na aniya’y tila “masyado nang huli” at kahina-hinala lalo na’t kasabay ito ng papalapit na midterm elections.

“Hindi ‘yan pagiging mapagpuna… campaign promise ‘yan — ‘yung 20 pesos na bigas. At ngayon lang ipinatupad sa panahon ng eleksyon,” ani Duterte nitong Huwebes.

Bukod sa timing, tinuligsa rin ng Pangalawang Pangulo ang limitadong sakop ng programa, na inilunsad lamang sa Visayas. “Bakit sa Visayas lang? Eh pangangailangan ng buong bansa ang abot-kayang bigas,” tanong ni Duterte.

Ang programa ay inianunsyo ng Department of Agriculture (DA) kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na kasalukuyang nagsisilbi ring kalihim ng agrikultura.

Ngunit bumuwelta ang DA, sa pamamagitan ni Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na nagsabing masakit ang paratang ni Duterte na ang bigas mula sa National Food Authority (NFA) ay “hindi pang-tao, pang-hayop.”

“Ang Department of Agriculture family ay labis na nasaktan sa kanyang pahayag. Ang bigas na ibebenta sa halagang P20 ay may mahusay na kalidad at binili mula mismo sa mga magsasakang Pilipino,” pahayag ni Laurel, na siya ring chairman ng NFA Council.

Dagdag pa niya, ang pagbansag sa NFA rice bilang “animal feed” ay insulto hindi lamang sa ahensya kundi sa “milyun-milyong magsasaka” na nagsusumikap para makapaghatid ng sapat at de-kalidad na bigas sa bansa. Sa kabila ng palitan ng pahayag, iginiit ng DA na buo ang kanilang suporta sa pangakong abot-kayang bigas para sa bawat Pilipino at tiniyak na hindi ito election gimmick, kundi bahagi ng layuning palakasin ang food security ng bansa.