
MARIKINA CITY — Bumuwelta na ang Land Transportation Office (LTO) laban sa may-ari at drayber ng trailer truck na sangkot sa malagim na karambola sa Barangay Fortune nitong Miyerkules ng gabi, Abril 23, na ikinasawi ng tatlo at ikinasugat ng 10 iba pa.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, agad silang naglabas ng show cause order sa rehistradong may-ari ng trak at sa drayber nito bilang bahagi ng paunang imbestigasyon.
“Gusto nating malaman ang totoong nangyari. Parte niyan ang pagtukoy kung may kapabayaan sa maintenance ng trak at sa kondisyon ng drayber habang nagmamaneho,” pahayag ni Asec. Mendoza.
Batay sa ulat ng pulisya, ang trak na may kargang 40-foot container van ay paakyat sana sa isang matarik na bahagi ng Fortune Avenue bandang alas-10 ng gabi, nang biglang huminto ito at umatras pabalik. Nawalan umano ito ng preno, dahilan upang tumilapon ang kargada at madamay ang anim na sasakyan — kabilang ang dalawang jeep, dalawang kotse, at isang SUV.
Tatlong katao ang kumpirmadong nasawi — kabilang ang drayber ng isa sa mga jeepney at dalawang sakay ng isang sedan. Sampu pa ang nasugatan.
Hawak na ngayon ng pulisya ang drayber ng trak, na ipatatawag ng LTO upang pagpaliwanagin kung bakit hindi siya dapat patawan ng revocation of license dahil sa reckless driving at pagiging “improper person” to operate a motor vehicle.
Samantala, sinuspinde na ang lisensya ng drayber habang ang nasabing trak ay isinailalim sa alarm status.
Dagdag pa ni Asec. Mendoza, susuriin din ng LTO kung na-maintain nang maayos ang trak at kung may overloading na naganap — isang posibleng dahilan ng pagkalas ng container at pagbaliktad ng trak.
Sa gitna ng pighati ng mga naiwan ng mga biktima, umaasa ang publiko na hindi lang ito matatapos sa papel — kundi may managot, may matuto, at may tunay na reporma sa lansangan.
More Stories
Pinay Lawyer, Pasok sa Top 200 World Rankings sa Padel
QC Todo na sa Kalikasan! Fashion Show, Tree Giveaway at Plastic Ban, Tampok sa Earth Day 2025
REBELDE NA NANUNOG NG SIMBAHAN SA ILIGAN, ARETADO SA BUKIDNON