April 23, 2025

MGA NAGING TAGUMPAY NG 550th AIR BASE GROUP SA BUWAN NGMARSO 2025

Bilang tagapagtaguyod ng seguridad, kalikasan, at kaayusan sa komunidad, patuloy na isinasagawa ng 550th Air Base Group (550th ABG) ang iba’t ibang programa at inisyatiba na naglalayong palakasin ang ugnayan sa pagitan ng militar at sibilyan. Sa buwan ng Marso 2025, isinagawa ng grupo ang iba’t ibang aktibidad na nakatuon sa pagpapanatili ng kaligtasan, pangangalaga sa kapaligiran, at pagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan. Kabilang sa mga ito ang mga kampanyang pangkaligtasan, paglilinis ng ilog, feeding activity, clean-up drive, at distribusyon ng impormasyon tungkol sa ligtas na pagpapalipad ng saranggola. Sa pamamagitan ng kanilang aktibong partisipasyon sa mga ganitong gawain, ipinapakita ng 550th ABG ang kanilang patuloy na pangako sa pagbibigay ng serbisyo sa bayan at pagpapalakas ng diwa ng bayanihan sa komunidad.

Isa sa mga pangunahing aktibidad ng yunit sa buwan ng Marso ay ang pakikiisa sa isinagawang Motorcade bilang hudyat ng pagsisimula ng Fire Prevention Month 2025 na may temang “Sa Pag-iwas sa Sunog, Hindi Ka Nag-iisa,” noong ika-2 ng Marso taong kasalukuyan. Ang seremonyang ito ay opisyal na nagbukas ng isang buwang kampanya na naglalayong pataasin ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng fire safety. Sa pamamagitan ng kanilang pakikiisa, ipinakita ng 550th ABG ang suporta nito sa adbokasiyang ito at ang importansya ng sama-samang pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya upang mapanatili ang kaligtasan ng bawat mamamayan laban sa sunog.

Samantala, aktibong lumahok din ang Group Civil-Military Operations (GCMO) ng 550th ABG sa Oplan Linis Ilog 2025 na ginanap noong ika-13 at 15 ng Marso 2025 sa Purok 2, Barangay Aya, San Jose, Batangas. Ang aktibidad na ito ay may layuning mapanatili ang kalinisan ng ilog na ginagamit ng mga residente sa kanilang pangaraw araw na gawain at nagsisilbing pook-pasyalan sa lugar. Sa sama-samang pagsisikap ng mga lumahok, umabot sa 15 sako ng basura ang nakuha mula sa paligid ng ilog, patunay ng patuloy na pakikiisa ng 550th ABG sa mga inisyatiba para sa pangangalaga ng kalikasan at pagpapanatili ng malinis na kapaligiran.

Muli ring ipinamalas ng 550th ABG ang kanilang dedikasyon sa kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga leaflets hinggil sa ligtas na pagpapalipad ng saranggola noong ika-24 ng Marso taong kasalukuyan sa Barangay Ibabaw, San Jose, Batangas; Barangay 2A, at Barangay Calingatan, Mataasnakahoy, Batangas. Layunin ng kampanyang ito na paalalahanan ang publiko lalo na ang mga kabataan sa panganib ng pagpapalipad ng saranggola malapit sa mga linya ng kuryente at paliparan na maaaring magdulot ng aksidente at aberya sa operasyon ng mga sasakyang panghimpapawid. Sa pamamagitan ng pamamahagi ng leaflets, patuloy na pinalalakas ng 550th ABG ang kamalayan ng mamamayan sa mga usaping pangkaligtasan at hinihikayat silang maging responsable sa kanilang mga gawain upang maiwasan ang anumang sakuna.

Isinagawa noong ika-tatlumput isa ng Marso taong kasalukuyan ang unang opisyal na pagbisita ng Commander Air Installation and Base Development Command (AIBDC) na si MGEN ANTONIO Z FRANCISCO JR PAF sa Fernando Air Base, Lipa City, Batangas. Bago gawaran ng arrival honors, bumisita si MGA NAGING TAGUMPAY NG 550th AIR BASE GROUP SA BUWAN NG MARSO 2025 MGEN FRANCISCO JR PAF sa Fernando Air Base Child Development Center para sa isang Gift Giving Activity na may layuning maghatid ng tuwa at suporta sa mga kabataang nasa nasabing pasilidad. Ang aktibad na ito and naging matagumpay sa pakikipagtulungan din ng ACDI at Air Base Group.

Bilang bahagi ng seremonya ng pagtanggap, ginawaran si MGEN ANTONIO Z FRANCISCO JR PAF ng arrival honors sa Headquarters Air Education, Training Command (HAETC). Matapos nito, nagbigay siya ng Courtesy Call kay Commander, AETC, at nakatanggap ng foyer honors sa Headquarters ng 550th Air Base Group (H550th ABG), kung saan siya rin ay lumagda sa guest book bilang tanda ng kanyang pagbisita. Isa sa mga tampok na bahagi ng kanyang pagbisita ay ang makasaysayang Unveiling ng Exceltors Marker sa 550th Air Base Group, na sumasalamin sa patuloy na dedikasyon ng grupo sa pagsulong ng kanilang misyon. Sinundan ito ng isang Ground Breaking Ceremony, na naglalayong higit pang pagandahin ang mga pasilidad sa base. Nagkaroon din ng windshield tour si MGEN FRANCISCO JR PAF sa iba’t ibang yunit at iskwadron ng 550th ABG upang personal niyang makita ang kanilang operasyon at mga pasilidad.

Kasabay nito, pinangunahan niya ang Blessing ng isang bagong pasilidad ng 557th Communication Electronics Information System (557CEISS), na inaasahang magpapabuti sa kanilang serbisyo at operasyon. Bilang pagtatapos ng kanyang pagbisita, nakilahok si MGEN FRANCISCO JR PAF sa isang Talk to Troops upang magbigay ng inspirasyon at direksyon sa mga kasundaluhan. Sinundan ito ng isang masayang Boodle Fight na ginanap sa Bulwagang Makulot bilang simbolo ng pagkakaisa at camaraderie sa loob ng hanay ng Philippine Air Force. Sa pagbisita ni Commander, AIBDC sa Malvar Air Station, binigyan din sya ng arrival honors at tinanggap ng Provincial Director ng Batangas Police Provincial Office na si Police Colonel Jacinto R Malinao Jr., sa Camp General Miguel Malvar, Batangas City.

Ang matagumpay na pagbisita ng Commander, AIBDC ay nagbigay-diin sa patuloy na pagpapaunlad ng base services at operasyon sa Fernando Air Base, alinsunod sa adhikain ng Philippine Air Force tungo sa pagiging isang mas kapani paniwala kakayahan, at napapanatiling pwersa ng bansa. Ang mga aktibidad na isinagawa ng 550th Air Base Group sa buwan ng Marso 2025 ay patunay ng kanilang patuloy na dedikasyon sa paglilingkod sa bayan. Sa pamamagitan ng kanilang mga programang pangkaligtasan, pangkalikasan, at pangkawanggawa, patuloy nilang pinalalakas ang ugnayan sa pagitan ng militar at sibilyan. Ipinapakita ng kanilang mga gawain ang kahalagahan ng pagtutulungan upang mapanatili ang kaayusan, kalinisan, at kaligtasan sa komunidad. Sa kanilang walang sawang pagsisikap, patuloy nilang pinapatunayan na ang 550th ABG ay isang yunit na hindi lamang nakatuon sa kanilang tungkulin bilang bahagi ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas kundi isa ring kaagapay ng mamamayan tungo sa isang mas ligtas at maunlad na Lipunan.