April 22, 2025

Imee Marcos: “Collateral Damage” dahil sa apelyido (Matapos ‘di makapasok sa Magic 12)

Aminado si Senator Imee Marcos na tila siya’y nagiging “collateral damage” sa gitna ng umiinit na pulitika, bunsod umano ng kanyang apelyido—Marcos.

Sa kabila ng mababang puwesto sa mga pre-election survey kung saan hindi siya nakapasok sa tinatawag na “Magic 12,” sinabi ni Marcos na hindi siya apektado at hindi rin siya nagpapadala sa mga resulta ng survey.

“I feel like collateral damage because I’m a Marcos. Pero siyempre, right is right, wrong is wrong at ang labag sa batas ay hindi natin puwedeng palagpasin,” pahayag ng senadora, na tumangging magdetalye sa kanyang pahayag.

Bagamat mahina sa survey, sinabi ng senadora na kampante siya at nagpapasalamat sa patuloy na suporta—lalo na mula sa kampo ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Marcos, plano nilang magsagawa ng mga pag-iikot sa Visayas at Mindanao upang mas maabot ang mga tagasuporta ng pamilya Duterte sa mga rehiyon.


Kahapon, inanunsiyo ni VP Sara na 12 na kandidato na ang kanyang opisyal na sinusuportahan para sa paparating na halalan— kabilang na sina Senador Imee Marcos at Las Piñas Rep. Camille Villar.

Ayon sa Pangalawang Pangulo, may iisang pananaw ang mga kandidatong ito para sa bansa: isang mapayapa at masaganang Pilipinas.

“Ang #Duter10 senatorial candidates na tumatakbo sa ilalim ng PDP-Laban, kasama sina reelectionist Sen. Imee Marcos at Rep. Camille Villar, ay nagkakaisa sa iisang pananaw — isang mapayapa at maunlad na Pilipinas,” ani Duterte nitong Lunes. “Sapat ang bisyong ito para durugin ang pader ng pagkakahati-hati sa politika ng bansa.”

Matatandaang kamakailan lamang ay tinanggal si Marcos sa administrasyong Alyansa para sa Bagong Pilipinas matapos siyang manguna sa isang imbestigasyon laban sa pag-aresto sa dating pangulong Rodrigo Duterte. Si Villar naman ay nananatili pa rin sa Alyansa.

Sa kabila nito, nananatiling matatag si Marcos sa paninindigang dapat managot ang sinumang lumalabag sa batas—kahit pa sino pa sila.