April 21, 2025

CONSTRUCTION WORKER, BINITBIT MATAPOS TUTUKAN NG BARIL ANG MAY-ARI NG BAHAY SA NAVOTAS!

NAVOTAS CITY – Kulong ang inabot ng isang 43-anyos na construction worker matapos pasukin at tutukan ng baril ang isang natutulog na may-ari ng bahay sa Brgy. BBS, Navotas!

Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas “Randy”, na ngayon ay nahaharap sa mga kasong Trespass to Dwelling, Grave Threats, at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) at B.P. 881 (Omnibus Election Code).

Kwento ng biktimang 57-anyos, bandang madaling araw ay bigla na lang siyang nagising sa ingay ng sapilitang pagpasok ng suspek sa kanyang bahay sa Bausa St. Laking gulat niya nang makitang may baril ang lalaking sumalakay at tinutukan pa siya habang tinatakot ng:
“Wag kang maingay kundi papatayin kita!”

Sa sobrang takot, tumakbo palabas ang biktima at humingi ng tulong sa nagpapatrulyang pulis na agad rumesponde.

Sa isang mabilis na operasyon ng Navotas Police Sub-Station 3, naaresto ang suspek at nakuha mula sa kanya ang kalibre .9mm Armcor pistol na walang lisensiya at may 7 bala sa magazine.

Pinuri ni NPD District Director P/BGEN. Josefino Ligan ang mabilis at maagap na aksiyon ng tropa ni P/Col. Mario Cortes.
“Hindi kami magpapabaya sa seguridad ng ating mga kababayan. Kung may armas at pagbabanta, tiyak may kulong,” ani Gen. Ligan.