
CAINTA, Rizal — Sa patuloy na pangangampanya para sa kanyang muling pagtakbo sa Senado, iginiit ni Senadora Imee Marcos na hindi importasyon kundi direktang tulong sa mga lokal na magsasaka ang dapat maging solusyon sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
“Sana magawan natin ng paraan na ibagsak ang presyo. Hindi importasyon, kundi ang tulong sa mga magsasaka ang tunay na solusyon,” ani Marcos matapos ang naging mainit na pagtanggap ni Cainta Mayor Elen Nieto.
Bukod sa agrikultura, isinusulong din ni Marcos ang pagpapalawig ng termino ng mga opisyal ng barangay mula sa kasalukuyang tatlong taon tungo sa apat o anim na taon, upang mas magkaroon aniya ng panahon ang mga ito na maipatupad ang kanilang mga programa.
Isa rin sa mga tinututukan ng senadora ang kapakanan ng mga solo parent, partikular ang mga ina.
“Solo parent Magna Carta, para sa mga nanay, pero wala pa ring sustento. Kaya ‘yan ang pag-sisikapan natin sa susunod na termino,” aniya.
Inilahad din ni Marcos ang kanyang planong palawakin ang saklaw ng social pension program ng gobyerno.
“Mahihirap na senior citizens nabibigyan ng P1,000 kada buwan. Kaya sana makakatulong. Palawakin pa natin ‘yan para sakupin ang mga PWD na pinakamahirap,” dagdag niya.
Bukod dito, binanggit ng senadora ang posibilidad ng pagtatayo ng isang special free hospital na libre para sa mga mahihirap, partikular sa lalawigan ng Rizal.
“Asahan ninyo, dadalhin natin ang espesyal na libreng ospital dito sa Rizal,” ani Marcos, sabay pasasalamat sa mainit na pagtanggap ng mga lokal na opisyal ng naturang bayan.
More Stories
PINOY PATAY SA NAKAKAKILABOT NA PANLOLOOB SA MILAN
ALTERNERGY, TUMANGGAP NG ₱3.3-BILYON PARA SA WIND PROJECT SA QUEZON
CONSTRUCTION WORKER, BINITBIT MATAPOS TUTUKAN NG BARIL ANG MAY-ARI NG BAHAY SA NAVOTAS!