
TINATAYANG mahigit P.3 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa dalawang tulak na itinuturing bilang High Value Individuals (HVI) matapos matiklo ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban ang mga suspek na sina alyas “Michael”, 44, at alyas “David”, 38, kapwa residente ng Brgy., 171, Caloocan City.
Ayon kay Col. Cayaban, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Joan Dorado ang buy bust operation, sa koordinasyon sa PDEA matapos magawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng isa sa mga operatiba.
Nang tanggapin ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng isang sachet ng shabu, agad dinamba ng mga tauhan ni Col. Cayaban ang mga suspek dakong alas-9:30 ng gabi sa kahabaan ng Mc Arthur Hiway, Brgy. Malanday.
Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 51 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P346,800, buy bust money na isang tunay na P500 bill at pitong P1,000 boodle money, coin purse at P350 recovered money.
Ani SDEU investigtor P/MSgt Ana Liza Antonio, kasong paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampa nila sa mga sa Valenzuela City Prosecutors Office.
Pinuri naman ni P/BGen. Josefino Ligan, District Director ng Northern Police District, ang Valenzuela City Police Station sa kanilang hindi natitinag na pangako sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng walang humpay na operasyon laban sa iligal na droga.
More Stories
IMEE MARCOS: PRESYO NG BILIHIN, TULONG SA SOLO PARENTS, SENIOR AT PWD, PRAYORIDAD SA SUSUNOD NA TERMINO
IMEE SA LUMABAS NA LARAWAN: ‘WALANG PERSONAL NA KONEK!’
2 PATAY SA SALPOKAN NG KOTSE AT BUS SA CALAUAG, QUEZON