
Isang makasaysayang hakbang ang isinulat ngayong Mahal na Araw! Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 123 taon, isang babae ang itinalaga bilang opisyal na tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) — si Captain Noemie Guirao-Cayabyab, tubong Romblon at beterana sa serbisyo!
Pinalitan ni Capt. Cayabyab si Commodore Algier Ricafrente, na pitong buwan ding nagsilbi bilang PCG spokesperson mula pa noong Setyembre 2024.
“Historic at empowering milestone ito para sa PCG,” proud na pahayag ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan. “Simula ngayon, si Capt. Cayabyab ang magiging boses ng PCG sa mga isyung pambansa at pandaigdig. Isa siyang simbolo ng pagbabago at tagumpay ng kababaihan sa serbisyo.”
Hindi basta-basta si Capt. Cayabyab — cum laude ng karangalan at dekada ng serbisyo ang baon sa bagong posisyon. Isa siyang miyembro ng Coast Guard Officer Course “SANDIWA” Class 07-05 at kilala sa kanyang husay sa larangan ng maritime safety, security at personnel management.
Bago italaga sa bagong papel, nagsilbi siya bilang Deputy Chief for Education and Training ng PCG. Siya rin ang utak sa pagbuo ng Retirement and Benefits Administration Service (RBAS), ang tanggapang nangangalaga sa pensyon at benepisyo ng mga Coast Guard personnel.
Pinangunahan din niya ang Vessel Safety Service Unit, kung saan nirebisa at pinahusay niya ang Pre-Departure Inspection Checklist ng mga domestic vessel — isang mahalagang hakbang para sa seguridad ng mga pasahero sa karagatan.
Hindi lang sa serbisyo umarangkada si Captain! Sa kanyang master’s degree sa GRIPS Tokyo, Japan, siya lang ang nag-iisang Filipina at Coast Guard officer na tumanggap ng Dean’s Award for Outstanding Achievement.
Kasama rin siya sa Regional Incident Command System CADRE for CALABARZON, ang grupong sumasalo sa mga kalamidad at emerhensya sa rehiyon.
“Dahil sa kanyang galing, tapang, at dedikasyon, si Capt. Cayabyab ay tunay na huwaran at trailblazer,” dagdag pa ni Adm. Gavan.
Sa panahong ang mga babae ay patuloy na bumabasag sa mga “glass ceilings”, si Capt. Noemie ang pinakabagong simbolo ng pag-asa, lakas, at liderato.
Kaya tandaan n’yo ang pangalan niya — Captain Noemie Guirao-Cayabyab. Babaeng may boses. Babaeng may laban. Babaeng Coast Guard!
More Stories
2 PATAY SA SALPOKAN NG KOTSE AT BUS SA CALAUAG, QUEZON
TRIKE BUMANGGA SA POSTE: BABAE PATAY, 8 SUGATAN KABILANG ANG SANGGOL
KOREAN VOICE PHISHING SUSPECT, HULI SA PAMPANGA