April 19, 2025

5 patay sa lunod noong Biyernes Santo, mga nasawi umakyat na sa 9 sa Calabarzon

CALABARZONNaging mapanganib ang Semana Santa para sa mga naligo sa dagat, ilog, at lawa matapos umakyat na sa siyam (9) ang kumpirmadong nalunod simula pa noong Huwebes Santo, ayon sa ulat ng Police Regional Office 4A.

Sa Batangas at Rizal, lima na naman ang nadagdag sa bilang ng mga nalunod nitong Biyernes Santo, kabilang ang tatlong nasa hustong gulang, isang menor de edad, at isang 4-anyos na batang lalaki!

Nalunod sa Taal Lake si Romel Solido, 33, ng Pasig City, habang naliligo malapit sa mga floating fish cages sa bayan ng Agoncillo noong Huwebes. Tinangkang isalba ng mga kasama pero bangkay na siyang narekober kinabukasan ng umaga, bandang 10:20 A.M..

Natagpuan namang palutang-lutang si Ferdinand De Castro, 45, sa may Offshore Keppel Shipyard, Bauan, Batangas. Naiulat na nawawala noong araw ding iyon matapos maglayag mag-isa sa bangka. Ayon sa awtoridad, walang foul play sa insidente, base sa pahayag ng Bauan MHO Dr. Winston Ilagan.

Patay rin ang 53-anyos na si Arnel Romero ng Brgy. Sta. Cecilia matapos malunod sa dagat sa Kawayan Beach Resort, Brgy. Rizal, habang lasing na lumangoy kasama ang mga tropa. Dead on arrival siya sa ospital.

Sa Rodriguez, Rizal, nalunod si Zarvil Mario Berbesabe, 13, isang Grade 8 student mula Quezon City, habang naliligo sa ilog ng Sitio Wawa. Ayon sa kanyang ina, kasama raw ng biktima ang pamangkin sa pagligo. Bandang 11:30 A.M. ng Biyernes, nakita ang kanyang bangkay ng rescue team.

Sa San Nicolas, Batangas, hindi na umabot nang buhay sa ospital ang apat na taong gulang na si Zash Alissandro Monsales mula General Trias, Cavite matapos malunod habang naglalaro sa tubig. Agad siyang isinugod sa Metro Lemery Medical Center pero binawian ng buhay

Patuloy ang paalala ng mga awtoridad: maging maingat sa paglangoy lalo na sa mga bata, lasing, at di bihasa sa tubig. Hindi porke bakasyon, ay ligtas na ang lahat. (KOI HIPOLITO)