
Tatlong indibidwal na umano’y sangkot sa pagpaslang sa Filipino-Chinese na negosyante ng bakal na si Anson Que at sa kaniyang drayber na si Armanie Pabillo ang nasa kustodiya na ng pulisya, ayon sa pahayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Sabado.
Sa isang press conference na ginanap sa Camp Crame, kinumpirma ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo na dalawa sa mga suspek ang naaresto sa Roxas, Palawan nitong Biyernes ng gabi, Abril 18. Kinilala ang mga ito na sina Richardo Austria David, na kilala rin sa alyas na Richard Tan Garcia, at isang Raymart Catequista.
Samantala, ang ikatlong suspek na si David Tan Liao, na kilala rin sa mga pangalang Xiao Chang Jiang, Yang Jianmin, at Michael Agad Yung, ay sumuko sa mga awtoridad nitong hapon ng Sabado, Abril 19.
Batay sa imbestigasyon, huling nakita nang buhay sina Que at Pabillo matapos umalis sa kanilang opisina sa Valenzuela City bandang alas-dos ng hapon noong Marso 29. Natagpuan naman ang kanilang mga bangkay noong Abril 9, pasado alas-sais ng umaga, sa Barangay Macabud, Rodriguez, Rizal.
Napag-alamang parehong tinakpan ng nylon bag, nakagapos at tila sinakal ang mga biktima, ayon sa ulat ng pulisya.
Sa gitna ng insidente, nanawagan si Teresita Ang-See ng Movement for the Restoration of Peace and Order (MRPO) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na muling suriin ang kaniyang mga tagapagpatupad ng batas.
“Panahon na para silipin ng Pangulo kung sino-sino ba ang mga pinagtitiwalaan niyang nagpapatupad ng batas,” ani Ang-See.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng PNP sa kaso upang matukoy ang motibo sa krimen at kung may iba pang sangkot sa karumal-dumal na pagpatay.
More Stories
JAKE PAUL VS CHAVEZ JR! SUNTUKAN NGAYONG HUNYO — ‘EL GALLO DE DORADO’ VS ANAK NG LEYENDA!
Linisin ang Hanay—Tapusin ang “Kolek-tong” sa Calabarzon
5 patay sa lunod noong Biyernes Santo, mga nasawi umakyat na sa 9 sa Calabarzon