
Sa kabila ng sunud-sunod na pagbulgar ng mga mambabatas, nakakabinging katahimikan ang tugon ng Commission on Elections (Comelec) — lalo na ng mismong chairman nitong si George Garcia — sa kontrobersiyang kinasasangkutan ni Rose Nono Lin, kilalang asawa ng negosyanteng si Allan Lim at tinaguriang “Pharmally Queen.”
Sa harap ng mga kasong may kaugnayan sa korapsyon, POGO, at ilegal na droga, hindi pa rin nababawasan ang kakayahan ni Lin na magsumite ng kandidatura. Tanong ng taumbayan: Walang baho bang kayang sumingaw sa Comelec?
Sa mga pagdinig ng Quad-Committee ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, malinaw na inilatag ang ugnayan nina Allan Lim, Michael Yang, at iba pang personalidad sa likod ng mga kahina-hinalang negosyo at kriminal na gawain. Hindi lang ito mga simpleng paratang — ito’y nakabase sa dokumento, testimonya, at interlocking corporate ties.
Si Lin, ayon mismo kay Deputy Speaker Jayjay Suarez, ay nagsisilbing “connector” ng dalawang pangunahing personalidad sa sindikato.
Nakapangalan sa kanya ang hindi bababa sa walong kompanya na may kaugnayan sa mga ilegal na gawain — kabilang ang Paili Estate Group, Philippine Full Win Group, at Xionwei Technologies, na sinasabing may kaugnayan din sa POGO operations ni Mayor Alice Guo sa Bamban, Tarlac.
Dagdag pa rito, lumitaw rin sa imbestigasyon na ang parehong network ay konektado sa Golden Sun 999 at Empire 999 — mga kompanyang lumalantad ngayon bilang bahagi ng mas malawak na operasyon sa mass land acquisition at kalakalan ng ilegal na droga.
Sa kabila ng lahat ng ito, tila walang nakikitang hadlang ang Comelec sa kanyang kandidatura. Samantalang ang iba’y nadidiskwalipika dahil lamang sa kakulangan sa dokumento, bakit tila impyernong kaso ang kailangan para lamang magising ang Comelec sa tungkulin nitong salain ang mga kandidato?
Hindi natin sinasabing may sala si Rose Lin — iyan ang trabaho ng hukuman. Ngunit sa harap ng lawak at lalim ng mga paratang, may obligasyon ang Comelec na pag-aralan, imbestigahan, at, kung nararapat, ipagpaliban ang anumang pagtakbo sa halalan hangga’t hindi nalilinawan ang kanyang pagkakasangkot sa mga iligal na gawain.
Hindi ito simpleng usapin ng teknikalidad sa eleksyon. Isa itong usapin ng moralidad, tiwala, at hustisya. Paano natin masasabing malinis ang halalan kung pinapayagan nating makapasok ang mga may anino ng sindikato sa likod?
Kung mananatiling tahimik si Chairman Garcia sa isyung ito, hindi lang kredibilidad ng kanyang liderato ang nakasalalay — kundi ang integridad mismo ng ating halalan at demokrasya.
Sa mata ng taumbayan, malinaw ang mensahe: ang batas ay tila para lamang sa mahihina, habang ang malalakas ay patuloy na nakalulusot — at minsan pa nga, nakaboboto’t nakakaupo pa sa puwesto.
Panahon na upang patunayan ng Comelec na hindi ito bahagi ng sistemang binabaluktot ng pera, koneksyon, at impluwensiya.
Ipakita nila na ang halalan ay para sa bayan — at hindi para sa mga bayaran.
***
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa [email protected]
More Stories
JAKE PAUL VS CHAVEZ JR! SUNTUKAN NGAYONG HUNYO — ‘EL GALLO DE DORADO’ VS ANAK NG LEYENDA!
Linisin ang Hanay—Tapusin ang “Kolek-tong” sa Calabarzon
5 patay sa lunod noong Biyernes Santo, mga nasawi umakyat na sa 9 sa Calabarzon