April 20, 2025

86 DRIVER, 2 KONDUKTOR POSITIBO SA SURPRISE DRUG TEST NG PDEA NGAYONG SEMANA SANTA

Sa isinagawang sorpresang drug test ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Holy Week, lumabas na mahigit 80 tsuper ng pampasaherong sasakyan (PUV) at dalawang konduktor ang nagpositibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

Sa ilalim ng Oplan: Harabas, isinagawa ang pagsusuri sa mahigit 3,270 indibidwal sa mga pangunahing land terminals sa buong bansa noong Abril 16, bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya laban sa mga driver na nasa ilalim ng impluwensya ng droga ngayong panahon ng Semana Santa.

Sa kabuuan, 86 ang nagpositibo:

13 bus drivers

1 mini-bus driver

19 jeepney drivers

47 tricycle drivers

1 taxi driver

2 motorcycle taxi riders

11 UV van drivers

2 conductors

Ayon kay PDEA Director General Isagani Nerez, layunin ng hakbang na ito na tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero sa panahon ng pagdagsa ng mga biyahero para sa Semana Santa. “In light of the heavy influx of Holy Week travelers eager to come home and be with their families, PDEA implemented these drug tests to ensure the safety of the riding public,” aniya.

Ang mga tsuper na nagpositibo ay agad na pinagbabawalang magmaneho at pansamantalang kinumpiska ang kanilang mga lisensya habang hinihintay ang resulta ng confirmatory test at clearance mula sa PDEA.

Bukod dito, sasailalim sila sa rehabilitation at mga intervention programs ng kani-kanilang lokal na pamahalaan bago maibalik ang kanilang mga pribilehiyo sa pagmamaneho.

Nagsagawa rin ang PDEA ng K9 sweeping operations sa mga terminal gamit ang Narcotics Detection Dogs (NDDs) upang matukoy kung may mga pasaherong nagdadala ng ilegal na droga.

Ang Oplan: Harabas ay ipinatupad alinsunod sa Republic Act 10586 o ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, na naglalayong bawasan ang mga aksidente sa kalsada na dulot ng mga driver na nasa ilalim ng impluwensya ng droga o alak.