
Nasabat ng mga operatiba ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) ang tinatayang P102 milyong halaga ng shabu sa Catbalogan City, Samar, nitong Martes, Abril 16, sa isang anti-carnapping checkpoint na nauwi sa pagkakahuli ng isang hinihinalang drug courier.
Ayon kay PNP-HPG Director Brig. Gen. Eleazar Matta, nagsasagawa ng operasyon ang kanyang mga tauhan sa Maharlika Highway sa Barangay New Mahayag nang pinahinto nila ang isang puting SUV dahil sa sirang fog light.
Habang sinusuri ang mga dokumento ng sasakyan, napansin umano ng mga pulis ang kahina-hinalang pakete sa loob ng sasakyan na kalauna’y nakumpirmang shabu na may kabuuang bigat na 15 kilo, at tinatayang street value na P102 milyon.
Ayon kay HPG spokesperson Lt. Nadame Malang, agad na inaresto ang 41-anyos na suspek, na ngayon ay nakakulong at sumasailalim sa background check.
“Isinasagawa na ang mas malalim na imbestigasyon upang matukoy ang pinanggalingan at patutunguhan ng ilegal na droga,” ani Malang.
Inihahanda na rin ng mga otoridad ang kaukulang kasong kriminal laban sa naarestong suspek.
More Stories
JAKE PAUL VS CHAVEZ JR! SUNTUKAN NGAYONG HUNYO — ‘EL GALLO DE DORADO’ VS ANAK NG LEYENDA!
Linisin ang Hanay—Tapusin ang “Kolek-tong” sa Calabarzon
5 patay sa lunod noong Biyernes Santo, mga nasawi umakyat na sa 9 sa Calabarzon