April 20, 2025

LTO, nagpakalat ng 1,700 enforcers para bantayan ang kalsada ngayong Semana Santa

Nagpakalat ang Land Transportation Office (LTO) ng humigit-kumulang 1,700 enforcers sa buong bansa upang bantayan ang mga pangunahing lansangan at tugisin ang mga pasaway at mapanganib na motorista, lalo na ngayong inaasahang dadami ang mga bumibiyahe para sa Semana Santa.

Ayon kay LTO Chief Asec. Vigor Mendoza II, nakipag-ugnayan na sila sa PNP at iba pang ahensya upang agad matugunan ang mga ulat ng reckless driving, kabilang ang road racing. Aniya, ang simpleng presensya ng mga enforcer ay sapat nang pumigil sa mga “kamote driver”, ngunit para sa matitigas ang ulo, may nakaabang na legal na hakbang.

Ipinag-utos din ni DOTr Secretary Vince Dizon ang mahigpit na aksyon kontra abusadong drivers. Kamakailan, sinampahan na ng legal na kaso ang mga may-ari at tsuper ng dalawang bus na nasangkot sa aksidente sa NLEX at viral na overspeeding incident.

Pinaalalahanan ni Asec. Mendoza ang publiko, lalo na ang mga netizens, na patuloy na ireport ang mga pasaway sa kalsada. May social media team ang LTO at aktibo rin ang AksyON THE SPOT hotline: 09292920865.

“Ang road safety ay responsibilidad ng bawat isa. Kung may makita kayong delikadong driver, i-report niyo lang—kami na ang bahala,” dagdag ni Mendoza.