
Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) agents mula sa fugitive search unit (FSU) ang isang Chinese na wanted sa mga awtoridad sa Beijing dahil sa pagkakasangkot sa illegal drugs trafficking.
Kinilala ang pugante na si Ouyang Shixing, 40, na naaresto noong Abril 8 sa loob ng kanyang condominium unit sa Parañaque City ng mga element ng BI-FSU sa ilalim ni Rendel Ryan Sy.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, inilabas ang mission order para sa pag-aresto kay Ouyang matapos makatanggap ng impormasyon ang BI mula sa Chinese government na siyang nagbahagi ng mga detalye kaugnay sa krimen na kinasasangkutan nito.
Dagdag pa nito, si Ouyang ay may red notice mula sa Interpol na inilabas noong nakaraang taon matapos siyang masampahan ng kaso sa China dahil sa drug trafficking.
Simula nang dumating siya sa Pilipinas noong Agosto 3, 2023, ay hindi na siya umalis sa bansa. Dahil dito, ipade-deport siya bilang isang overstaying at undesirable alien.
Iniulat ni Sy na na batay sa impormasyon na nakalap mula sa BI-Interpol unit ay may arrest warrant si Ouyang na inilabas noong Nobyembre 2023 ng Public Security Bureau sa Fuzhou City, Jiangxi, China.
Batay sa imbestigasyon, noong Mayo 12, 2023, nakipagsabwatan umano si Ouyang sa isa pang suspek para bumili ng methamphetamine mula sa isang supplier at ibinenta ito sa halagang 70,000 yuan o halos US$10,000.
Sumakay siya ng tren papuntang Hong Kong noong Agosto 2, at tumakas patungong Pilipinas dala ang pera. Si Ouyang ay kasalukuyang nakakulong sa BI custodial facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang deportation proceedings. Siya rin ay iblacklist at ipagbabawal nang makapasok muli sa Pilipinas.
More Stories
JAKE PAUL VS CHAVEZ JR! SUNTUKAN NGAYONG HUNYO — ‘EL GALLO DE DORADO’ VS ANAK NG LEYENDA!
Linisin ang Hanay—Tapusin ang “Kolek-tong” sa Calabarzon
5 patay sa lunod noong Biyernes Santo, mga nasawi umakyat na sa 9 sa Calabarzon