April 19, 2025

Gatchalian: Karagdagang mga ‘Guidance Designate’ Makakatulong sa Pagsugpo ng Bullying sa mga Paaralan

Iminumungkahi ni Senador Win Gatchalian ang pagdagdag sa bilang ng mga guidance designates sa mga pampublikong paaralan upang matugunan ang mga insidente ng bullying.

Ibinahagi ni Gatchalian ang kanyang panukala sa isang pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, kung saan tinalakay ang mga insidente ng bullying at karahasan sa mga paaralan. Ang mga guidance designate ay mga guro na inaatasang gampanan ang mga tungkuling may kinalaman sa pagpapatupad ng guidance services.

Hinimok din ng mambabatas ang Department of Education (DepEd) na repasuhin ang ideal ratio ng mga guidance designates sa mga mag-aaral. Sa kasalukuyan, isang guidance designate o guidance counselor ang itinatalaga kada 500 na mag-aaral. Batay sa datos ng DepEd, 10,412 sa 45,326 na mga paaralan ang walang guidance designate noong School Year 2024-2025.

Bagama’t naninindigan si Gatchalian na mahalagang mawala sa mga guro ang mga non-teaching tasks, itinuturing niya ang pagdagdag ng mga guidance designates bilang isang pansamantalang solusyon habang hindi pa natutugunan ang kakulangan ng mga guidance counselors.

“Bahagi ng ating mga rekomendasyon ay ang pagrepaso sa papel ng mga guidance designate. Maaari natin dagdagan ang bilang nila batay sa laki ng paaralan at sa pamamagitan ng pag-adjust sa ratio,” ani Gatchalian.

Binigyang diin ng senador ang kahalagahan ng pagpapatupad ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080) na kanyang iniakda at isinulong. Mandato ng naturang batas ang pagpapatupad ng School-Based Mental Health Program upang itaguyod ang mental health at kapakanan ng mga mag-aaral. Layon din ng naturang batas na tugunan ang kakulangan ng mga guidance counselor sa mga pampublikong paaralan.