April 20, 2025

Matapos mag-sorry sa ‘Bumbay’ remarks, Pasay councilor magsasampa ng kaso vs kalaban sa politika

NAKAHANDA si Konsehal Editha “Wowee” Manguerra ng Pasay na magsampa ng discrimination case sa isa pang kandidato na nag-akusa sa kanya na siya ay isang tomboy at may relasyon sa kanyang nakatatandang kapatid na babae.

Una nang humingi ng paumanhin si Manguerra dahil sa kanyang naging pahayag sa isang campaign sorite na dapat tanggalin ang mga Indian national sa Pasay City General Hospital para mawala ang “amoy-sibuyas.”

Ako’y tao lang. Hindi ako perpektong tao, nagkakamali din ako. Ang kaya ko lang na panindigan ay marunong akong tumanggap ng aking mga pagkakamali,” aniya.

Nag-ugat ang pahayag bulang tugon sa madalas na reklamo hinggil sa dami ng Indian hospital staff ang hindi marunong umintindi o ipaliwanag ang medical treatments at diagnosis sa mga pasyenteng Pinoy na hindi bihasa sa Ingles, ayon kay Manguerra, na tumatakbong Pasay City Mayor.

“Lahat po ng aming binabaan, almost 100 percent, ang hinaing po talaga ay ang Pasay City General Hospital… Doon nila ginamit yung term na bumbay na hindi sila marunong mag-tagalog, hindi kami nagkakaintindihan,” saad niya.

“Sa mga hinaing na paulit-ulit, parang nagkaroon ang ng damdamin pero wala akong galit sa mga Indian national,” dagdag niya.

Ayon sa konsehal ng Pasay, sinadyang putulin at ilabas sa konteksto ng kabilang kampo ang kanyang talumpati sa isang sortie.

“‘Yun pong pagva-viral nila, sinadya nila yun. Yun po ay mga tauhan ng aking kalaban sa pulitika,” ayon kay Manguerra.

Ayon kay Manguerra, wala pa siyang natatanggap na show-cause order mula sa Commission on Elections, na kailangan niyang sagutin sa loob ng tatlong araw.


Bukod sa pagsusumite ng paliwanag sa poll body kung bakit hindi dapat siya i-disqualify dahil sa umano’y racist remakrs laban sa mga Indiano, sinabi ni Manguerra na magsasampa rin siya ng discrimination complaint laban kay Pasay Councilor Mark Calixto, na tumatakbong vice mayor mula sa kanyang kalaban na partido.

Si Calixto ay pamangkin ni incumbent Pasay Mayor Emi Calixto-Rubiano, na makakatunggali ni Manguerra para sa top post ng siyudad.

“Nakapagsalita po sila na yung aking kapatid na si Ate Baby ay girlfriend ko daw po, hindi daw kami magkapatid,” aniya.

“Kanila din pong binabanggit na paninira yung aking pagkababae. Ito ba namang tanda kong ito, senior citizen na ako, 66-years old na ako, dalaga pa ako, never been kissed, never been touched, bilang isang city councilor, hindi ko naman po siguro deserve na ako ay pagsabihan ng ganoon at gawin akong katawa-tawa,” dagdag niya. Ayon kay Manguerra, kasalukuyan nang nire-review ng mga abogado ang reklamo laban kay Konsehal Calixto at ito ay isasampa pagkatapos ng Semana Santa.

Tinutulan din niya ang pagbibigay ng P3 bilyon budget para sa Office of the Mayor ngayong taon.

“Alam ko po na hindi yan ang magiging kasiraan ko dahil naniniwala sila mula 2016 hanggang ngayon na ginawa ko ang isang mabuting tao at isang mabuting nanunungkulan,” aniya.

“Kapag hindi natin natapos ang dynasty sa lungsod ng Pasay, magtutuloy-tuloy ang paghahari ng isang apelyido, nang isang pamilya at tuloy-tuloy na hindi uunlad ang ating bayan,” dagdag pa niya, na binanggit ang ilang dekadang pamamayagpag ng pamilya Calixto sa kapangyarihan.

“Kami dito sa Pasay, para na kaming stamp pad government. Kung ano ang gusto nila, yun ang nasusunod, Kahit na nag-oobject ako, kulang ako para marefer sa committee, mapagusapan yung mga gastusin kung saan nila ilalagay at magkano,” wika niya.