April 19, 2025

BASECO BEACH, ISINARA SA PUBLIKO

PANSAMANTALANG isinara sa publiko ang Baseco beach sa Maynila para paliguan at magsagawa ng iba pang aktibidad matapos ideklara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na hindi ligtas ang tubig nito dahil sa mataas na antas ng polusyon.

Ayon sa isinagawang water quality test ng DENR, hindi ligtas maligo sa nasabing dagat dahil sa mataas na fecal coliform levels.

Noong nakaraang holy week dinagsa ang Baseco Beach sa Tondo, Maynila para makapag-swimming ang publiko dahil sa mainit na panahon.

Naglagay ng mga warning signs at barriers sa naturang beach at nagdeploy ng mga tauhan upang paalalahan ang mga tao na hindi ligtas maligo sa naturang dagat.

Hinimok ng DENR ang publiko na iprayoridad ang kaligtasan at sundin ang abiso habang ipinagpapatuloy ang cleanup at rehabilitation efforts.