
Arestado ang labing dalawang katao kabilang ang operator na nagpapatakbo ng gambling den o pasugalan na “Monte o Sakla” sa isinagawang “Oplan Bolilyo” ng Criminal Investigation and Detections Group (CIDG) Batangas Provincial Field Unit ngayon linggo ng Semana Santa bandang alas- 11:43 ng gabi araw ng Martes (April 15, 2025) sa Brgy. San Luis, Sto. Tomas City, Batangas.
Kinilala ang gambling operator na si Jayson Narito, 38 anyos, habang labing isang sugarol ay kinilala sa mga alyas na sina “Renaldo”, “Joseph”, “Froilan”, “Patricio”, “Christian”, Cesar”, “Reynan”, “Dante”, “Frederick”, Joel” at si. “Richard.” mga nasa hustong gulang at pare-parehong mga residente sa nabanggit na lugar.
Base sa ipinadalang report ni CIDG Batangas Provincial Field Unit Police Lieutenant Colonel Jake Barila kay CIDG Director P/MGeneral Nicolas Torre III, nag-ugat ang nasabing operasyon makaraang makatanggap ng impormasyon ang mga otoridad galing sa mga nagrereklamong residente dahil sa gabi gabing ingay na nanggagaling sa lugar ng iligal na pasugalan na karamihan ng mga mananaya di umano ay mga padre de pamilya at kabataan na nalululong sa nasabing sugal.
Nasamsam sa lugar ang perang nagkakahalaga ng P9,400 at mga gambling paraphernalia.
Pansamantalang nasa kustodiya ngayon ng CIDG Batangas ang mga nadakip na sugarol at ang suspek na operator ng gambling den na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9287 at Presidential Decree 1602. (KOI HÍPOLITO)
More Stories
JAKE PAUL VS CHAVEZ JR! SUNTUKAN NGAYONG HUNYO — ‘EL GALLO DE DORADO’ VS ANAK NG LEYENDA!
Linisin ang Hanay—Tapusin ang “Kolek-tong” sa Calabarzon
5 patay sa lunod noong Biyernes Santo, mga nasawi umakyat na sa 9 sa Calabarzon