
NAGING matagumpay ang paglulunsad ng mga aklat sa panulat ni Dr. Michael Charleston “Xiao” B. Chua, Propesor ng Pamantasang De La Salle, Lungsod Maynila, na ginanap sa Manila Clock Tower Museum, Lungsod Maynila, nakaraang 09 Abril 2025 Miyerkoles ng hapon. Ang aklat ay inilathala ng Project Saysay (itinatag 2013) bilang ambag sa Dekada ng Kasaysayan ng Pilipinas (2013-2033) patungo sa Sentenaryo ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (National Historical Commission of the Philippines o NHCP, itinatag 1933), at pakikiisa sa Araw ng Kagitingan 2025 na may temang “Kabanihan sa Beterano: Sandigan ng Kaunlaran ng Bagong Pilipinas”. Pinasinayaan din ang bagong logo ng Project Saysay kaugnay sa ikalabindalawang taong anibersaryo ng pagkakatatag.

Ang programa ay sinimulan sa pag-awit ng Pambansang Awit ng Pilipinas na sinundan ng Awit ng Maynila. Si Bb. Maria Corazon Tamayo, City Government Assistant Department Head III, Kagawaran ng Turismo, Kultura, at Sining ng Maynila (DTCAM), Pamahalaang Lungsod ng Maynila, ang nagpahayag ng bating pambungad. Nagbigay din ng mensahe si G. Bryan Ferrer, Patnugot Tagapagganap ng Project Saysay, Inc. Si G. Eufemio Agbayani III ang Guro ng Palatuntunan.
Dumalo din sa nasabing pagtitipon ang mga inapo ng mga bayaning sina Jose Rizal (1861-96), Miguel Malvar (1865-1911), Mariano Ponce (1863-1918), at Pio Valenzuela (1869-1956).
Naghandog ng awiting “Patuloy Sa Pagtuklas”, ang Opisyal na Awit Para sa Dekada ng Kasaysayan ng Pilipinas 2023-2033, sina Bb. Jasmine Balunes at G. Roel Rostata. Inawit din ni Rostata kanyang nilihang “Bagani”, ang opisyal na theme song ng 2021 Quincentennial Commemorations in the Philippines.
Nagkaroon din ng pagkakataon para sa pagpapakuha ng litrato at paglagda sa mga aklat ang may-akda.
Ang Project Saysay (PS) ay itinatag ni Ian Christopher B. Alfonso noong 22 Mayo 2013 Miyerkoles, Researcher ng NHCP, Assistant Professor ng Department of History, University of the Philippines Diliman. Siya rin ay Board Member ng Philippine Historical Association (itinatag 1955) at kasapi ng UNESCO Memory of the World Program in the Philippines (nagsimula 1992). Ang PS ay pinangungunahan ng mga kabataan na naglalayong dalhin sa bawat silid aralan ang aral ng mga dakilang Pilipino sa pamamagitan ng mga libreng poster na ilalagay sa mga silid lalo na sa mga mahihirap na paaralan. Ang bisyon o haraya ng samahan ay isang silid aralan na mapuno ng magagandang asal mula sa mga bayani. Nilalayon din ng PS na makasama ang mga kabataan sa pagbubuo ng bansa sa pamamagitan ng boluntarismo. Magsilbing tulay ang mga kabataan ng kabutihan, kapayapaan, pagkakaisa, at pakawalan ang pagiging malikhain ng kabataan sa pagtataguyod ng pamanang Pilipino na magsisilbing inspirasyon sa lahat.
Ang mga unang nakatulong ni Alfonso sa pagkakabit ng mga poster ay ang alumni committee ng Ten Outstanding Student of the Philippines ng Rehiyon III. Hindi basta-basta ang pagsasagawa ng mga proyekto dahil ginagastusan ng pagpapaprint sa matitibay na papel ang mga poster na nakalagay sa frame sa illustration board. Ang mga unang poster ng PS ay nakalagay ang mukha ng bayani, na sinundan ng mga pahayag na walang mukha. Nagawa ding makapagpalimbag ng mga poster mula sa ibang diyalekto upang dalhin ang mensahe sa mga lalawigan ng bansa. Pagsapit ng 2015 ay umabot na sa mahigit 600 poster ang nailagay sa mahigit 300 silid-aralan at aklatan sa bansa. Ang mga disenyo ng poster at pahayag ay inilagay na rin sa social media, greetings cards, at tshirts. Ang PS din ang nagsagawa ng 1st National Youth Forum on Heritage na ginanap sa Philippine High School for the Arts (itinatag 1977) sa Mt. Makiling, Los Baños, Laguna, sa pakikipagtulungan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA, itinatag 1992).
Ayon kay Prof. Chua, maganda ang ginawang aklat ng Project Saysay upang makapaghatid ng makabuluhang impormasyon tungkol sa kasaysayan. Ang lahat ng detalye ay masusi nilang sinaliksik at ipinagpaalam sa kinauukulan ang mga larawang ginamit. Maihahantulad sa coffee table book ang “Xiao Time” sa layout at kalidad ng mga larawan ng pagkakaprint. Sinikap ding mabili ang mga aklat sa murang halaga upang mabasa ng maraming Pilipino. Wikang Filipino ang ginamit sa akda upang mailapit sa lahat ng mambabasa sa anumang edad, kasarian, at estado sa buhay.
Inaasahang masusundan ang bolyum ng aklat upang maibahagi pa ang mga impormasyon sa iba pang bayani ng bansa.
Pagbati sa buong pamunuan ng Project Saysay at kay Prof. Chua!
More Stories
ANG PHARMALLY QUEEN AT ANG KATAHIMIKAN NG COMELEC
ICC, inutusan ang prosekusyon na isumite ang ebidensya laban kay Duterte bago ang Hulyo 1
MAHIGIT P1 TAAS-PRESYO NG PETROLYO SA SUSUNOD NA LINGGO ASAHAN NA