April 7, 2025

Pambansang Buwan ng Panitikan ngayong Abril

ALINSUNOD sa Proklamasyon Blg. 968 na nilagdaan ni Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III (1960-2021, nanilbihan 2010-16) noong 10 Pebrero 2015 Martes ay idineklara ang Abril bilang Pambansang Buwan ng Panitikan (National Literature Month o NLM). Ang okasyon ay sa pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino (unang pagkabuo 1937, nireporma 1991), Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (National Commission for Culture and the Arts o NCCA, itinatag 1992), at ang Pambansang Lupon ng Pagpapaunlad ng Aklat (National Book Development Board, itinatag 1995).

POSTER NG BUWAN NG PANITIKAN

Ngayong taon ang tema ng pagdiriwang ay  “Sikad Panitikan: Kultura at Panitikan ng Kaunlaran”. Pagkaraan ng isang dekada matapos malagdaan ang proklamasyon ay binibigyang-diin ang pagsikad ng panitikan bilang mahalagang salik sa paghubog ng pagkakakilanlan. Bukod pa sa sining ng pagsulat, ang panitikan ay nagsisilbing tulay tungo sa mas malalim na pag-unawa sa mga isyung panlipunan, pang-ekonomiya, at pampolitika. Nagbibigay-daan din ang panitikan sa pagbasag ng mga makalumang pananaw at sa pagpapalawak ng kaisipan para sa mas makabago at maunlad na lipunan.

Narito ang talatakdaan ng mga gawain kaugnay sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan:

01. 13-16 Marso: Philippine Book Festival 2025 sa SM Megamall, Lungsod Mandaluyong;

02. 02 Abril: Araw ni Balagtas. Tampok sa pagdiriwang ang pag-aalay ng bulaklak na magaganap sa Pandacan, Maynila; Orion, Bataan; at Balagtas, Bulacan;

03. 03 Abril: Lektura sa Pagbubukas ng Buwan ng Panitikan 2025;

04. 07, 14, 21, at 28 Abril: Mga Webinar ng Komisyon sa Wikang Filipino;

05. 08 Abril: Huling araw ng pagsumite para sa 2nd Mindanao Creative Nonfiction Competition;

06. 11 Abril: SPIT Manila, Sikad FUNNYTikan sa Metropolitan Theater (itinatag 1931), Maynila;

07. 22 Abril: Reading the National Artists na magaganap sa Teatro Amianan, University of the Philippines (UP) Baguio (itinatag 1921), 09:00 Umaga hanggang 12:00 Tanghali;

08.  24-25 Abril: Ateneo Foundational Lecture and Literary Fair sa Ateneo de Manila University, Lungsod Quezon;

09. 26 Abril: UMPIL (Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas, itinatag 1974) Congress sa Gimenez Gallery, UP Diliman (itinatag 1908), Lungsod Quezon;

10. 28 Abril: Paghahayag ng mga nagwagi sa 2nd Mindanao Creative Nonfiction Competition, at KWF Araw ng Parangal;

11. 29 Abril: Gawad Rene O. Villanueva Year 4 (Villanueva Meets Lumbera) sa UPLB (itinatag 1909) kasama ang OICA, Humanities Department, at UP Umalohokan;

12. Abril: Timpalak Komposo Lecture ng Hubon Manunulat, at Timpalak Florentino Hornedo ng DepEd Batanes;

13. 03 Mayo: Nick Joaquin Literary Tour: Pinoy Reads, Pinoy Books sa Maynila; at

14. 24 Mayo: Timpalak Komposo Performance Day ng Hubon Manunulat sa Lungsod Iloilo.

Bagamat ngayon ay nasa modernong panahon at paggamit ng mga makabagong teknolohiya ay patuloy na namamayagpag ang paggamit ng Panitikang Filipino sa iba’t ibang porma at genre. Ayon kay Maria Ramos (1989), ang panitikan ay kasaysayan ng kaluluwa ng mga mamamayan. Sa panitikan nasasalamin ang mga layunin, damdamin, panaginip, pag-asa, hinaing, at guniguni ng mga mamamayan na nasusulat o binabanggit sa maganda, makulay, makahulugan, matalinghaga, at masining na mga pahayag. Sa madaling salita, ang panitikan ang nagbubunsod sa pagkilos ng mga mamamayan sa kanilang pagkamakabayan o nasyonalismo. Pinagmumulan ang panitikan ng lakas na nagbubuklod ng damdamin, nagdidilat ng mga mata tungo sa katwiran at katarungan.

JAMES T. BARREDO

Ayon kay James T. Barredo (2025), Pangulo ng Samahan ng mga Mag-aaral sa Filipino ng Carlos L. Albert High School, Lungsod Quezon,  malaki ang naitulong sa akin at kapwa ko mag-aaral ang pag-aaral ng panitikan upang makapagpahayag sa iba’t ibang paraan. Sa pamamagitan panitikan, natutuhan ang pagsasalaysay, paglalahad, paglalarawan, at pangangatwiran. Masaya ako dahil sa munting kakayahan ay naibabahagi ko ang aking pagiging malikhain sa iba’t ibang porma na nagiging inspirasyon sa ibang kabataan.

Ang mga nabanggit na kasanayan ng pagkatuto ay bilang pagtugon kung paano nakapag-iisip at nakadarama ng mabibisang paraan upang mabatid ang kahalagahan ng edukasyon sa buhay ng bawat nilalang, at makapagbahagi ng mga kaalaman at karunungan sa paglilingkod sa bayan. Higit sa lahat ay napaglilimi kung paano makapagbibigay ng angkop na pisikal at ispiritwal na magpapaunlad sa iba’t ibang aspekto ng pammumuhay.

Maligayang Pambansang Buwan ng Panitikan!