April 5, 2025

MMDA KASADO NA SA SEMANA SANTA

IKINASA ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Biyernes ang kanilang traffic plans para sa paparating na “Semana Santa” o Holy Week upang matiyak ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga motorista at pasahero.

Sa press conference sa MMDA headquarters sa Pasig City, inihayag ni MMDA Chair Romando Artes na idedeploy nila ang 2,542 field personnel at 468 assets sa mga pangunahing kalsada at transport hubs sa National Capital Region (NCR).

Saad niya, sisimulan nila ang “Oplan Semana Santa” sa Abril 16 – kung saan ipatutupad ng MMDA ang “no day-off, no absent” policy para sa field traffic personnel.

“Ang aming MMDA Communications and Command Center ay mananatiling operational 24/7 — may isang team na nakatalaga upang mag-monitor ng real-time updates sa pamamagitan ng closed-circuit television cameras sa iba’t ibang kritikal na lugar sa buong Metro Manila at iba pang mga aktibidad at sitwasyon sa ground,” sabi ni Artes.

“Ipatutupad ang skeletal deployment sa Abril 18, 19, at 20 upang matutukan ang Visita Iglesia sites kabilang ang “panata” route patungo sa Antipolo at Grotto.”

Nakaantabay din ang MMDA Road Emergency Group para magbigay ng basic roadside emergency services habang magdedeploy din ng mga ambulansiya at tow trucks sa mga estratehikong lokasyon.

Sa kabilang dako, maglalagay din ng Inter-agency support desks na malapit sa mga sa mga transport terminal upang i-assist ang mga biyahero.

Naka-standby din ang road emergency personnel upang magbigay ng medical assistance at first aid.

Magsasagawa din ang MMDA ng cleaning at road clearing oeprations sa iba’t ibang kalsada sa NCR upang matiyak na walang sagabal sa paggalaw ng mga sasakyan at pedestrian.

Samantala, sinabi ni Artes na pansamantalang papayagan ang provincial busses sa EDSA sa Abril 9 at mula Abril 16 hanggang 20 para sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero sa Holy Week.

Aniya papayagan ang mga bus sa EDSA mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga sa Abril 9, at papayagan ng 24 oras sa pangunahing kalsada mula Abril 16 – 20.

“Provincial buses coming from North Luzon shall end their trips at the bus terminals in Cubao, Quezon City, while provincial buses from South Luzon shall stop their trips at the bus terminals in Pasay City,” wika niya.

Para naman sa mga motorista, sususpendihin ang Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o ang number coding scheme sa Abril 17 at 18 – Huwebes Santo at Biyernes Santo.

Inanunsyo rin niya na magkakaroon ng road reblocking at repair works sa iba’t ibang lugar sa NCR mula alas-11 ng gabi sa Abril 16 hanggang 5 a.m. sa Abril 21.

“The affected roads will be fully passable by 5 a.m. on Monday, April 21. Announcement as to the areas will be made thru the MMDA official social media accounts,”  aniya.

Samantala, inanunsiyo ang pagbabawal sa vlogging, recording, posting at iba pang uri ng documentation sa MMDA operations ng kanilang mga empleyado sa panahon ng official work hours at gayundin ang private vloggers.