April 1, 2025

Tauhan ng DPWH na wanted sa sexual assault, tiklo sa Valenzuela

TIMBOG ang isang kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nahaharap sa mabigat na kasong sexual assault sa ikinasang manhunt operation ng pulisya sa Valenzuela City.


Ikinasa ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban ang pagtugis sa akusado na si alyas “Albie”, 42, Draftsman ng DPWH na kabilang sa mga Most Wanted Person sa lungsod nang makakuha sila ng kopya ng warrant of arrest mula sa korte.


Dakong alas-8:30 ng gabi nang matunton pinagsamang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section at mga Police Sub-Stations 2, 3, 4 at 9 ang akusado sa kanyang tirahan sa Cayetano St. Brgy. Karuhatan kung saan agad siyang binasahan ng kanyang mga karapatan sa ilalim ng umiiral na Miranda rights.


Siya ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Mateo B. Tarejos ng Branch 172 na may petsang Marso 20, 2025 para sa kasong sexual assault sa ilalim ng Art, 266-A Par. 2 in Relation to Section 5(B) ng R.A. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act,


Ayon kay Col. Cayabayn, may inilaan namang piyansa na nagkakahalaga ng P200,000 ang hukuman para sa pansamantalang paglaya ng akusado na pansamantala munang ipiniit sa custodial facility ng Valenzuela Police Station habang hinihintay ang commitment order ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail. (JUVY LUCERO)