April 19, 2025

MGA PAMBATO NG ALYANSA, ‘DREAM TEAM’ SA SENADO (Marcos pinakamapalad raw na Pangulo ‘pag naihalal silang lahat)

Inilarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang 12 senatorial bets ng administrasyon bilang “political dream team” at ipinagsigawan pa niya na siya na ang pinakamapalad na Presidente kung maihahal silang lahat upang magsilbi sa bayan.

Ito ang sinabi ng pangulo sa kanyang talumpati sa ikawalong campaign rally ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa balwarte ni dating Vice President Leni Robredo sa Pili, Camarines Sur. Kasama ang 12 senatorial bets ng Alyansa slate.

Ipinagmalaki ng Pangulo na lahat ng kanyang pambato ay may malawak na karanasan sa public service.

“Kapag pinagsama mo ay halos parang ito nang yung dream team sa pulitika, ito na yung dream team para sa Senado. Kaya nais namin muli na iharap sa inyo ang aming mga kandidato ng Alyansa,” ayon sa Pangulo.

Present sa sortie sa Camarines Sur nitong hapon ang kapatid ng Pangulo na si Sen, Imee Marcos, incumbent Sens. Pia Cayetano, Bong Revilla, Lito Lapid, at Francis Tolentino, ex-Sens. Manny Pacquiao at Panfilo Lacson, Las Pinas City Rep. Camille Villar, Makati City Rep. Abigail Binay, at ex-Interior Secretary Benhur Abalos.

Tinatayang nasa 52,000 katao ang naitalang dumalo sa nasabing campaign rally.

Ipinagyabang pa ng Pangulo na dahil sa malawak na karanasan sa government service ng Alyansa slate kaya’t alam na nito ang kanilang magiging trabaho kapag naluklok na sila sa Senado.

“Alam na po nila ang mga problema na kailangan ng solusyon. At alam na po nila kung papaano gamitin ang pamahalaan upang magdala ng serbisyo sa taong bayan,” diin ni Marcos.

At sinabi rin niya na siya na ang pinakamapalad na Pangulo kung magkakaroon siya ng pagkakataon na makatrabaho ang lahat ng 12 Alyansa candidates sa Senado, dahil tiyak na marami silang magagawa para sa bansa.

“Ako, sa palagay ko, ako na ang pinakamapalad na Pangulo kung sila ay mahalal lahat. Dahil kung yan ang mga kasamahan ko, napakarami po nating magagawa, mas marami po kayong mararamdaman na benepisyo na nanggaling sa national government,” dagdag ng Pangulo.