April 5, 2025

5 LTO TRAFFIC ENFORCER SINIBAK NG DOTR (Sa marahas na panghuhuli sa magsasakang rider)

SINIBAK na sa serbisyo ang limang tauhan ng Land Transportation Office (LTO) na sangkot sa marahas na paghuli sa isang lalaki na sakay ng kanyang motorsiklo sa Panglao, Bohol na nangyari noong Biyernes.

“We are, effective today, dismissing the enforcers involved in the incident in Panglao, Bohol,” ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon nitong Lunes.

“They are hereby dismissed immediately. Hindi na natin kailangan patagalin pa ito,” dagdag niya.

Inatasan ni Sec. Dizon si Transport Assistant Secretary for Road Transport Jojo Reyes na personal na imbestigahan ang insidente.

“Wala pong magja-justify sa nakita nating dahas na ipinakita ng ating mga law enforcers,”  giit ni Sec. Dizon.

Ayon kay Asec. Reyes, naospital ang 57-anyos na magsasaka dahil sa insidente.

Dahil sa pangyayaring ito, pinag-utos ni Sec. Dizon ang pagbuo ng task force na magrerepaso sa mga umiiral na polisya at regulasyon sa panghuhuli sa mga naka-motorsiklo.

“Kailangan po nating repasuhin ang current na mga regulasyon kasi baa ito ang nagiging source ng abusive behaviors ng ilan sa ating enforcers,” paliwanag ni Sec. Dizon.