NGAYON nga ay ibinalik na sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila at Calabarzon, pangalawa sa mahigpit na restriksyon ng pamahalaan, kung saan ang mga tao ay kinakailangang manatili sa bahay, maliban kung may sapat na dahilan gaya ng pagbili ng pagkain.
Hanggang lima lamang ang pinapayagang maximum na bilang para sa mass gatherings. Hindi rin pinapayagan ang pampublikong transportasyon – walang MRT, walang bus o jeep, walang biyahe sa interisland, walang domestic flights. Pinapayagan naman ang bisikleta at motor. Ilang negosyo at industriya ang pinayagang makapag-operate pero hanggang 50 porsiyento lamang ang pupuwede pumasok na empleyado, habang ang nalalabi ay work at home.
Ayon sa Department of Trade, hindi rin pinapayagan ang barber shops, salons at gym, internet cafes, tourist destination tulad ng mga beach at resort. Pinapayagan lamang lumabas ng bahay ang mga taong nasa edad 21 hanggang 60, kasama na ang mga mahihina ang immune system, sa mga may panganib sa kalusugan, at mga buntis.
Dahil nga sa pagdami ng bilang ng coronavirus kaya’t humirit ang mga manggagawa ng ospital – doktor, nurse at med techs – na ibalik sa enhanced community quarantine (ECQ) ng ‘time-out’ dahil sa matinding pagod bunsod ng walang katapusan na pagdami ng pasyente.
Bilang pagtugon inilagay ni Pangulong Rodrgio Duterte na ibalik sa modified ECQ (MECQ) – upang balensehin ang kahilingan ng mga frontliner at ang reyalidad na hindi kaya ng bansa na ihinto ang lahat ng aktibidad ng negosyo at opisina dahil sa pagbagsak ng ekonomiya. Dahil hindi na kayang mabigyan ng ayudad ng pamahalaan sa mga taong nawalan ng trabaho at pagkakakitaan.
Sa susunod ng mga araw natin malalaman kung epektibo nga ang muling pag-iral ng MECQ. Makatutulong daw ito para maibsan ang pagod ng mga doktor, nurse at iba pang health workers.
Pero sa totoo lang, patuloy na dumarami ang pagkalat ng COVID-19 dahil na rin sa mga taong pasaway na hindi sumusunod sa health protocols tulad ng hindi pagsusuot ng face mask, panatilihin ang tamang distansiya, at paghuhugas ng kamay. Sila ang isa sa mga dahilan kung bakit patuloy na tumataas ang bilang ng nagkakasakit at namamatay sa virus.
Mahalaga ang bawat papel na ginagampanan ng bawat indibidwal. Kung susunod lamang tayo tulad ng sinasabi ng Department of Health tiyak na mapipigilan ang pagdami ng virus, hindi rin masyadong mapapagod ang ating frontliner, at maiiwasan ang problema sa COVID-19 ng ating bansa.
Magkaisa tayo laban sa salot na COVID-19.
More Stories
Elpidio R. Quirino, Guro to Pangulo
Pang. Carlos P. Garcia, Ama ng Kilusang Pilipino Muna
Hen. Antonio Luna, Dangal ng Lahing Pilipino