February 25, 2025

CONVOY NG PNP CHIEF, SINITA DAHIL SA PAGGAMIT NG EDSA BUSWAY

Sinita ng mga operatiba ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) ang umano’y conboy ni Philippine National Police (PNP) Chief Rommel Marbil matapos dumaan sa EDSA busway.

Sa video footage na kumakalat ngayon sa Facebook, makikita ang ilang Highway Patrol Group motorcycles habang ini-eskoratan ang dalawang SUV – isang puting Fortuner at puting Innova – sa kahabaan ng Ortigas Station northbound.

Nang tanuning ng mga operatiba ng SAICT kung sino ang nasa loob ng mga sasakyan, sinabi ng police personnel na, “PNP.”

“Sa Crame kami eh,” dagdag pa ng isang katao.

Ayon sa isang police officer, mayroon daw silang isinasagawang operasyon.

Base sa video, iginiit ng SAICT operative na hindi pinapayagan ang mga sasakyan na dumaan sa EDSA Busway nang walang koordinasyon at ito ay eklusibo lamang para sa mga sibilyan na gumagamit ng EDSA Carousel.

Nang tanungin muli ng mga operatiba kung sino ang nasa loob ng SUV, sinabi ng isang a police officer na, “chief.” 

“Alam niyo na ‘yan sir eh. Oo nga pa-Crame pero alam niyo naman na bawal ‘yan eh,” ayon sa operatiba, base sa video.

Nangako ang police personnel na babalikan nila ang kanilang violation ticket sapagkat nagmamadali sila papuntang Camp Crame.

Nang bumalik ang mga driver, isinuko nila ang kanilang lisensiya para matiketan pero iba na ang plate number ng isang sasakyan – kaya nagalit ang isang operatiba.

“Sir hindi na yan yung [plate number],” aniya.

Hinihintay pa ng Agila ng Bayan ang komento ni Marbil sa nangyaring insidente.

Larawan mula sa SMNI