February 23, 2025

Kandidatong pro-China, ‘wag iboto – PCG spokesperson

Nilinaw ni Philippine Coast Guard spokesperson for the WPS, Commodore Jay Tarriela na ang kanyang pahayag na humihikayat sa mga botante na huwag iboto ang mga politikong pro-China ay hindi isang pagsuporta sa anumang partikular na kandidato.

Binigyang-diin niya na ang kanyang layunin ay hikayatin ang mga tao na magkaroon ng malinaw na pag-iisip at pagpapasya, sa halip na itaguyod ang partisanship.

Sa post sa X (dating Twitter), sinagot ni Tarriela si dating broadcaster Jay Sonza, na inakusahan siya na ikinakampanya ang mga pambato ng administrasyon.

Binigyang-diin niya na ang kanyang mensahe ay tungkol sa pagpili ng mga lider na hindi magpapahina sa posisyon ng bansa sa WPS at susuporta sa mga pangangailangan sa pondo ng Armed Forces of the Philippines (AFP), PCG, at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

“Hindi ako nag-eendorso ng anumang partikular na kandidato. Sa halip, hinihimok ko ang mga botanteng Pilipino na pumili ng mga mambabatas na sumusuporta sa ating laban, anuman ang kanilang partido,” sabi ni Tarriela.

Muli niyang iginiit sa mga botante na dapat maging mapanuri sa pagpili ng mga kandidato at dapat itong batayan sa mga prinsipyo ng pambansang interes at kapakanan ng bansa.

Ang boto natin ay para sa kinabukasan ng mga kabataang Pilipino, piliin natin ang Pilipinas!”