
SA kulungan ang bagsak ng isang lalaki na taga-Manila matapos dumayo at manggulo habang armado ng baril sa isang bilyaran sa Caloocan City.
Sa pahayag sa pulisya ng mga saksi, bigla na lamang umanong nakialam ang 24-anyos na suspek na si alyas “Boy Siga” sa mga naglalaro ng bilyar sa M. Austria Street, Barangay 88, saka bumunot ng baril na nagdulot ng takot sa mga tao sa lugar.
Agad namang humingi ng tulong ang isang concerned citizen sa mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals na mabilis namang rumesponde sa nasabing lugar.
Sa tulong ng mga saksi, nakita ang baril ng suspek na isang kalibre .40 pistola na kargado ng bala at nang wala siyang naipakitang mga dokumento hinggil sa ligaledad nito ay pinosasan siya ng mga pulis saka binitbit.
Ayon kay Col. Canals, sasampahan nila ang suspek ng kasong paglabag sa Article 155 of the Revised Penal Code (Alarm and Scandals), RAct 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at Batas Pambansa 881 (Omnibus Election Code) sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
Pinapurihan ni PCOL Josefino Ligan, Acting District Director ng NPD ang mabilis na aksyon at dedikasyon ng mga tauhan ni Col. Canals na binibigyan-diin ang kanilang pangako para sa pagpapanatili ng kaligtasan ng komunidad.
More Stories
Santo Papa nasa kritikal na kondisyon – Vatican
Kandidatong pro-China, ‘wag iboto – PCG spokesperson
Camille Villar sa Millennials: Panahon na para maging bahagi ng solusyon