February 22, 2025

iFWDPH program naglalayong matulungan ang mga OFW na magkaroon ng mga negosyo na nakabase sa teknolohiya

Naging tampok ang Innovations for Filipino Working Distantly from the Philippines (iFWDPH) program ng Department of Science and Technology (DOST) sa ika-apat na episode ng Tekno Presensiya, ang radio program ng DOST Region 1 sa pakikipagtulungan ng DZAG Radyo Pilipinas Agoo, nitong Pebrero 20, 2025.

Tampok sa naturang episode si Ms. Daisy Rose Sidayen, Project Staff ng iFWDPH DOST Region 1, na tinalakay kung paano sinusuportahan ng programa ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagnanais magtatag ng mga negosyong nakabatay sa teknolohiya sa bansa.

Ang iFWDPH ay nagbibigay ng pagsasanay, mga mapagkukunan, at pinansiyal na tulong upang bigyang-kapangyarihan ang mga OFWs at kanilang mga pamilya na simulan ang mga negosyo sa iba’t ibang sektor tulad ng pagproseso ng pagkain, agrikultura, ICT, kalusugan, at marami pang iba.

Kung interesado kang mag-apply sa programa, maaari kang mag-contact sa DOST Region 1 para sa mga katanungan. Ang aplikasyon para sa programa ay bukas hanggang Pebrero 28, 2025.

Ipinaliwanag ni Sidayen, na idinesenyo ang iFWDPH upang matulungan ang mga OFW na nagbabalik bansa at mga aktibong OFW, pati na rin ang kanilang mga pamilya, na makapag-umpisa ng kanilang mga negosyo.

Nahahati sa dalawang phase ang nasabing programa. Ang Phase 1, na tinatawag na Technopreneurship Capacity Building stage, ay tumatagal ng tatlong buwan at nagbibigay sa mga participant ng mga kaalaman sa negosyo, kabilang ang opportunity identification, product development, supply chain management, at e-commerce strategies.

Dadaan din ang mga participant sa iFWDPH Bootcamp, kung saan sila ay magkakaroon ng pagkakataon na magbuo ng mga proposal sa negosyo at pagbutihin ang kanilang mga pitch para sa potensyal na pagpopondo.

Sa matagumpay na pagkumpleto ng Phase 1, maaaring magpatuloy ang mga kalahok sa Phase 2, ang Innovation Fund, kung saan maaari silang makakuha ng pinansyal na tulong na hanggang PHP 500,000. Ang pondo na ito ay kinabibilangan ng PHP 150,000 para sa teknikal na tulong at PHP 350,000 para sa kagamitan o makinarya, na inaalok na may zero porsyentong interes at maaaring bayaran sa loob ng 3 taon.

Malaki ang maiaambag ng programa sa paglikha ng trabaho at paglago ng industriya sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon sa mga OFW na magtatag ng negosyo na mapakikinabangan ng Pilipinas.

Upang makapag-qualify sa Phase 2, ang mga aplikante ay kailangang makumpleto ang Phase 1, irehistro ang kanilang negosyo sa Department of Trade and Industry (DTI), kumuha ng ng Mayor’s Permit, at magsumite ng isang business proposal gamit ang DOST-approved  forms.

Bilang karagdagan, ang mga OFW na nasa abroad ay maaaring magtalaga ng isang miyembro ng kanilang pamilya bilang kanilang kinatawan sa negosyo, o ang mga negosyo ay maaaring pag-aari ng isang grupo ng OFW, tulad ng mga kooperatiba.

Bukod sa pagkakaroon ng pondo, ang iFWD PH ay nag-aalok din ng iba’t ibang suporta at interbensyon tulad ng food safety training, product development, plant layout assistance, packaging and labeling design, at resource efficiency guidance.

Ang mga interbensyong ito ay naglalayong matulungan ang mga OFW-owned enterprises na sumunod sa mga pamantayan ng industriya at manatiling kompetitibo sa merkado.


Ang DOST Region 1 ay hinihikayat ang mga interesadong OFW at kanilang mga pamilya na nakatira sa Region 1 na mag-apply sa iFWDPH program sa lalong madaling panahon, dahil malapit na ang deadline sa Pebrero 28. Kung may mga katanungan, maaaring bisitahin ng mga aplikante ang pinakamalapit na opisina ng DOST o makipag-ugnayan sa DOST Region 1 sa pamamagitan ng [email protected] o [email protected].