![](https://agilangbayan.com/wp-content/uploads/2025/02/image-78.png)
Matinding pagpuna ang ibinato ni House Assistant Majority Leader at Tingog party-list Rep. Jude Acidre sa naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na papatayin ang mga senador upang bigyang-daan ang mga kandidato ng PDP-Laban para sa paparating na eleksyon.
Ayon kay Acidre, sumasalamin ang naging pahayag ng dating Pangulo sa naging banta ni Vice President Sara Duterte laban kina President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
“Talagang mag-ama nga sila. Si anak, nagbanta na ipapapatay ang Presidente at Speaker. Si ama naman, gusto ipapatay ang mga senador. Parang gusto nila bumingo sa lagay na ’yan,” wika ni Acidre.
Sa nangyaring proclamation rally ng PDP-Laban, sinabi ni Digong na, “Ngayon marami kasi sila. Ano dapat ang gawin natin? Patayin natin yung mga senador ngayon para ma-bakante. Kung makapatay tayo, tanan, mga 15 na senador. Pasok na tayo lahat.”
Iginiit ni Acidre na ang banta ng karahasan – biro man o hindi – ay may malubhang kahihinatnan.
“Hindi biro ang pagbabantang pumatay ng opisyal ng gobyerno—kahit pa sabihin nilang joke lang. Nakakatakot ‘yan kasi nagpapalaganap ng kultura ng karahasan, pinahihina ang demokrasya, at sinisira ang batas. Sa isang demokratikong bansa, inihahalal ang mga pinuno, hindi pinapatay. Kapag ang mga dating o kasalukuyang opisyal mismo ang nagbibitaw ng ganitong klaseng salita, parang sinasabi nilang okay lang gumamit ng dahas imbes na pag-usapan nang maayos ang hindi pagkakasundo,” paliwanag ni Acidre.
“Bukod diyan, hindi lang ito basta padalos-dalos na salita—krimen ito sa ilalim ng batas. Ang pagbabanta sa mga opisyal ng gobyerno ay maituturing na inciting to sedition o grave threats, at may kaakibat na parusa. Hindi puwedeng balewalain ito kasi nagdadala ito ng tunay na banta sa seguridad, at napipilitan ang gobyerno na gumastos ng pondo at magpakilos ng pulis at militar para tugunan ang banta, kahit pa sinasabi nilang biro lang ito,” dagdag niya.
Binanggit ni Acidre na ang mga pahayag ng dating Pangulo ay maaaring higit pang magpalakas ng isa sa mga Artikulo ng Impeachment laban sa kanyang anak na babae—ang paglabag sa tiwala ng publiko sa pamamagitan ng paggawa ng mga pabiglang pahayag na nagbanta sa seguridad ng mga mataas na opisyal.
“’Yung kampo ng mga Duterte, parang sila na mismo nagbabaon sa sarili nila. Remember, just recently, the National Bureau of Investigation (NBI) has recommended filing criminal complaints against VP Duterte for inciting to sedition and grave threats related to her statements about arranging an assassin. Her father’s remarks just add salt to the wounds,” sambit ni Acidre
Larawan mula sa Financial Times
More Stories
QC NAGDEKLARA NG DENGUE OUTBREAK
2 BABAE NAGSANGLA NG PEKENG TITULO NG LUPA TIMBOG
PAMBATO NG ‘ALYANSA’ NAPAKATINGKAD NG TRACK RECORD – PBBM