![](https://agilangbayan.com/wp-content/uploads/2025/02/image-66.png)
TIKLO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang puganteng South Korean matapos subukang i-extend ang kanyang tourist visa sa head office ng ahensiya sa Intramuros.
Ang nangyaring pag-aresto ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na palakasin ang border security at tiyakin na hindi makakapasok ang mga puganteng dayuhan sa Pilipinas.
Ayon kay BI Tourist Visa Extension (TVS) Chief Raymond Remigio, kinilala ang dayuhan na si Bae Naseok, 30, na naaresto ng BI Fugitive Search Unit (FSU) nitong Pebrero 13, matapos makumpirma ng mga awtoridad ang kanyang derogatory records.
Sinubukan ni Bae na i-extend ang kanyang bisa nang mabisto sa record ng BI na ito pala ay subject ng Watchlist Order at Blacklist Order.
Itinuturing siya ng BI bilang undesirable alien at banta sa kaligtasan ng publiko, dahil siya ay wanted sa South Korea dahil sa fraud-related offenses.
Kinumpirma ng Seoul Interpol Notice ang kanyang status bilang pugante, na may warrant of arrest na inisyu laban sa kanya mula sa kanyang bansa.
Ayon sa mga awtorididad South Korea, nagpapangap si si Bae bilang anak ng kanyang biktima sa pamamagitan ng isang mobile messaging application. Inutusan ng suspek ang biktima na mag-install ng isang remote-controlled application sa kanilang mobile device na nagresulta sa pagkompromiso ng sistema ng phone banking ng biktima. Bilang resulta, sinasabing iligal niyang nailipat ang kabuuang halaga na KRW 15 milyon o humigit-kumulang 10,430 USD mula sa bank account ng biktima papunta sa kanyang personal na account.
“This arrest demonstrates our firm commitment to upholding immigration laws and ensuring that the Philippines does not become a refuge for foreign fugitives,” ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado. “We will continue to work with international law enforcement agencies to identify and remove individuals attempting to evade justice.”
Si Bae ay kasalukuyang nakakulong sa pasilidad ng Bureau of Immigration (BI) sa Bicutan, Taguig, at maghihintay ng deportation.
More Stories
Dela Rosa nainis matapos ihambing ang mga pambato ng PDP sa tindero ng suka
Vince Dizon bagong DOTR secretary
7 US sex offenders napigilang makapasok ng bansa