![](https://agilangbayan.com/wp-content/uploads/2025/02/image-63.png)
ARESTADO ang dalawang holdaper na bumiktima sa isang taxi driver sa ikinasang follow-up operation ng pulisya sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Sa salaysay ng 47-anyos na taxi driver sa mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Edcille Canals, dakong alas-4:00 ng madaling araw nang maisakay niya ang mga suspek sa Clover Leaf, Quezon City.
Pagsapit nila sa Brgy. 139, Caloocan City sa kahabaan ng EDSA ay biglang naglabas ng baril ang isa sa mga suspek at tinutukan ang biktima sabay nagdeklara ng holdap.
Sa takot sa kaligtasan, hindi na pumalag ang biktima nang sapilitang kunin ng mga suspek ang kanyang personal na gamit, kabilang ang cellphone, P1,600 cash at driver’s license bago mabilis na tumakas patungong West Service Road, Quezon City.
Humingi naman ng tulong ang biktima sa Caloocan Police Sub-Station 5 (SS5) kaya agad nagsagawa ang mga ito ng follow up operation sa pangunguna ni P/Lt. Jefren Aganos na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek na si alyas ‘Micahel’, 26 at kasabwat nitong edad 19-anyos.
Nakumpiska ng mga tauhan ni Col. Canals kay alyas Michael ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng apat na bala habang hindi nakalagay sa ulat kung nabawi ba ang mga gamit at pera na tinangay sa biktima.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong Robbery Holdap at paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) in relation to Batas Pambansa Blg. 881 (Omnibus Election Code).
Binati naman ni PCOL Josefino Ligan, Acting District Director ng Northern Police District ang mga tauhan ni Col. Canals sa kanilang mabilis na pagresponde at epektibong aksyon.
“This accomplishment is a clear indication of the NPD’s unwavering commitment to keeping our communities safe. We will continue to intensify our efforts to ensure that criminals are held accountable for their actions,” pahayag niya.
More Stories
Dela Rosa nainis matapos ihambing ang mga pambato ng PDP sa tindero ng suka
Vince Dizon bagong DOTR secretary
7 US sex offenders napigilang makapasok ng bansa