February 11, 2025

Obrero tiklo sa shabu at tangkang pananaksak

KULUNGAN ang kinasadlakan ng isang construction worker matapos tangkain saksakin ang kanyang nakaalitan at makuhanan pa ng shabu sa Navotas City, kamakalawa ng gabu.

Ayon kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, mahaharap ang suspek na si alyas ‘Manuel’, 37, ng Pabahay Luma, Brgy. Tanza 2, sa kasong paglabag sa Art. 282, RPC (Grave Threat) at Section 11 of RA 9165 (Possession of Dangerous Drugs).

Lumabas sa imbestigasyon nina PSSg Ramir Ramirez at PSSg Allan Navata, dakong alas-11:30 ng gabi nang magkaroon ng argumento ang suspek at biktimang si alyas ‘Noli’, 55, dispatcher ng Brgy. BBS sa Tawiran 5, Brgy. Tanza 1, sa hindi pa malaman na dahilan.

Sa kainitan ng pagtatalo, bumunot ng patalim ang suspek sabay sabi sa biktima na “Bakit taga rito ka ba, gusto mo patayin kita rito?” na sa takot ay mabilis na kumaripas ng takbo hanggang sa makahingi ng tulong sa mga nagpaparulyang tauhan ng Police Sub-Station 1.

Agad namang rumeponde sa lugar ang mga pulis na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at nang kapkapan, nakuha sa kanya ang isang patalim at isang plastic sachet na naglalaman ng 4.71 gramo ng shabu na may katumbas ng halagang P32,028.