February 11, 2025

PAGPATAY SA OPISYAL NG BARMM SCHOOL SA SULU, KINONDENA NI LAPID

MARIING kinondena ni Senador Lito Lapid ang karumal-dumal na pagpatay sa Assistant Schools Division Superintendent (ASDS) ng Ministry of Basic Higher Technical Education na si Sonatria Dandun Gaspar sa  Jolo, Sulu nitong Biyernes ng hapon.

“Nararapat lang na mabigyan ng hustisya ang biktima. Ang ganitong uri ng pagpatay sa ating guro ay walang puwang sa isang sibilisadong lipunan,” pahayag ni Lapid.

“Kung nais nating umunlad ang BARMM ay dapat po nating mapigilan ang ganitong karahasan lalo na sa mga lingkod bayan nating humuhubog sa ating kabataan,” diin ni Lapid.

Hiniling ni Lapid sa PNP at NBI na magtulungan sa pagiimbestiga sa krimen at papanagutin ang sinumang nagpapatay sa biktima.

Kaugnay nito, nagpaabot ng pakikidalamhati si Lapid sa pamilya ng nasabing school officer sa Sulu.

“Taus-pusong pakikiramay po sa pamilya  ni Mam Sonatria, isa po siyang tunay na bayani,” ani Lapid

Base sa inisyal na ulat ng Jolo Municipal Police Station, an isang armadong suspek ang pumasok sa compound ng biktima at saka siya pinagbabaril.

Nakatakas naman ang suspek matapos isagawa ang krimen.