March 12, 2025

3 wanted persons, arestado sa Malabon

MAGKAKASUNOD na naaresto ng pulisya ang tatlong wanted persons, kabilang ang 22-anyos na estudyante sa manhunt operation sa Malabon City.

Dinakip ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan si alyas “Marc” 27, ng Brgy. Longos dakong alas-5:30 ng hapon habang kumukuha ng police clearance sa Malabon Police Station bunga ng nakabimbing warrant of arrest dahil sa kasong paglabag sa umiiral na ordinansa sa Quezon City.

Inilabas ni Quezon City Metropolitan Trial Court (MTC) Executive Judge Juvenal Noriega Bella ng Branch 36 ang warrant of arrest laban kay Marc noong Enero 16, 2024 sa kasong paglabag sa Ecological Solid Waste Management Act matapos mahuling nagtatapon ng basura sa hindi tamang lugar.

Nauna rito, inaresto rin habang kumukha ng police clearance alas-4:30 ng hapon si alyas “Ronnie”, 36 ng Brgy. Tonsuya bunga ng inilabas na warrant of arrest ni Mandaluyong MTC Presiding Judge Ruth S. Pasion-Ramos ng Branch 99 na may petsang Hulyo 17, 2020 dahil sa paglabag sa umiiral na City Ordinance 694 sa Mandaluyong City na “Riding in Tandem”.

Ayon kay Col. Baybayan, parehong may inilaang piyansa na P3,000.00 ang magkahiwalay na hukuman para sa pansamantalang paglaya ng dalawang akusado.

Samantala, sinilbihan sa loob ng Malabon City Jail ang 22-anyos na estudyante na si alyas “John” ng panibagong warrant of arrest na inilabas nitong Enero 21, 2025 ni Malabon Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Rhoda Magdalene L. Mapile-Osinada ng Branch 289, para sa kasong Acts of Lasciviousness alas-4:20 ng hapon.

May inilaan namang piyansa na nagkakahalaga ng P36,000 ang hukuman para sa pansamantalang paglaya ng akusado subalit, ayon kay Col. Baybayan hindi rin makakalaya si alyas John dahil sa kasong rape na kanyang kinakaharap na walang inirekomentandang piyansa,

Ani Col. Baybayan, unang dinakip ng Warrant and Subpoena Section ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Malabon RTC Presiding Judge Ma. Antonia Linsangan Largoza-Cantero ng Branch 291 para sa kasong Rape.

Binigyang papuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting District Director P/Col. Josefino Ligan ang Malabon Police Station sa masigasig na pagtugis sa mga wanted na kriminal na nahaharap sa mabibigat na kaso sa hukuman.