![](https://agilangbayan.com/wp-content/uploads/2025/01/image-140.png)
Mga Cabalen, siguro tulad ko rin kayo na napapaisip kung may pag-asa pa ba ang buhay sa ating bayan?
Dapat na nga bang mangibang bansa? Ano pa nga ba ang inaasahan natin para manatili pa sa Pilipinas kung ang ating mga nasasaksihan ay matinding kahirapan, pag-wawalang bahala ng mga pinunong ating hinalal, bangayan kaliwa’t kanan ng mga partidong pulitikal, walang damayan kundi pag-aaway-away at walang patumanggang balimbingan. Unahan sa kusina, payabangan sa imbestigasyon para lamang makasipsip sa pinuno. Walang katapusang pagtaas ng mga pangunahing bilihin, pahihikahos.
Sa araw-araw na ginawa ng Lumikha, wala tayong hinarap kundi ang mga balitang nakakayurak at nakakapag-pababa ng ating pagkatao at moralidad. Ang tatlong pangunahing sangay at dapat sanang haliging sinsandalan nating mga Pilipino ay nilalamon na ng kagahaman at kasakiman.
Unti-unti na pong inuubos ng mga kasuwapangan ang moralidad ng mga lider ng ating bansa. Sa araw-araw wala silang ginawa kundi ang yurakin ang pagkatao ng mga kasamahang sa tingin nila ay kanilang mga kalaban. Nasaan na po mga Cabalen, ang mga dignidad ng mga Honorable sa Ehekutibo, Hudikatura at Lehislatibo. Mukhang nauubos na.
Tila hilis ang kanilang mga desisyon at adhikain. Taliwas ang mga ito sa inaasahan ng mga Pilipinong kaginhawahaan at pag-angat sa kabuhayan. Tumatambad sa atin ang kanilang pagbabangayan, pagnanakaw sa pondo ng bawat ahensiya ng gobyerno. Pamimigay ng limpak-limpak na salapi na umiikot lamang sa mga malalapit sa mga namumuno. Kinain na nila ang kahihiyan at dignidad na dapat sanang sila ang ehemplo ng mga ito.
Sa araw-araw mga Cabalen, ang ating almusal mga eskandalo, pagbabangayan, walang pondo, ninakaw na pondo, nilipat na pondo, pagsasapribado ng dating pag-aari ng gobyerno, pagtaas ng presyo gasolina at mga pangunahing bilihin. Sa lahat ng ito, walang magandang balita.
Ngayong eleksiyon 2025, sila na naman ang haharap sa atin upang hingin ang ating sagradong boto. Ibibigay na naman natin ng maluwag sa ating kalooban, bagama’t ilan sa ating mga kababayan ay ibinibigay lamang ito kapalit ang konting halaga. Ang pangako napako na naman. Nabola na naman tayo. Titiisin na naman natin ang kahirapan sa loob ng tatlong taon o anim na taon.
Dahil sa sobrang pagmamahal natin sa ating mga alagang kandidato, pati ang kanilang mga asawa at anak iniluklok na rin natin. Ayaw nating kumawala sa kahirapan. Lahat na kasi ng miyembro ng kanilang pamilya iniluklok na natin.
Sa kahirapang ito ng buhay, at sa mga pinipili nating lider at pulitiko mula sa angkan ng mga political dynasty na ginawa na pong family corporation ang posisyon, tayo din po ang lulutas nito.
Hindi lamang po ‘yan mga Cabalen, marami din ang mga law maker at law breaker. Sila ang gumawa ng batas, sila din po ang bumabali nito. Dahil sila ay mga ma-impluwensiyang pamilya at kilala sa lipunan. Ikaw Cabalen, subukan mong dumaan sa “bus carousel” e sigurado huli ka na may penalty ka pa. Ipapatawag ka pa ni Sen. Raffy Tulfo.
***
Bago ko makalimutan, nais ko pong batiin ang isa sa patnugot ng Agila ng Bayan. Happy Birthday Mon Ignacio. Pagpalain ka at palakasin ang iyong pangangatawan. Bigyan ka pa nawa ng Diyos ng mahabang buhay para marami pa ang iyong matulungan.
***
Maligaang kaarawan din po sa lahat ng nagdiriwang ng kanilang kaarawan sa araw na ito.
***
Hanggang sa muli mga Cabalen. Tayo po ay magmuni-muni para mapili natin ang karapat-dapat na ihalal sa darating na eleksyon 2025 sa Mayo.
More Stories
Pambansang Buwan ng Sining ang Pebrero
BOC Joins Special Session of National Single Window Steering Committee
DTI reinforces MSME commitment with successful Kadiwa ng Pangulo launch in Bay, Laguna