MAPAPANOOD na sa YouTube ang restored na pelikulang ‘Bulaklak sa City Jail’ (1984) sa direksyon ni Mario O’Hara (1946-2012) at sa panulat ni Lualhati Bautista (1945-2023) matapos maiupload sa ABS-CBN Star Cinema channel ngayong 19 Enero 2024 Linggo.
Ang pelikula ay isang neo noir crime prison na naglalarawan sa mga bayolente at usaping pangkasarian. Ibinatay ang pelikula mula sa nobela ni Bautista na nasa parehong titulo. Inilalarawan sa pelikula ang kalagayan ng mga kababaihan sa loob ng piitan.
Mga Gumanap
Ginampanan nina Nora Aunor (Angela Aguilar), Gina Alajar (Juliet), Celia Rodriguez (Lena), Perla Bautista (Viring), Maya Valdez (Barbie), Zenaida Amador (Tonya), at Maritess Gutierrez (Patricia) na pawang mga nakakulong sa Manila City Jail dahil sa mga krimeng nagawa at mga krimeng ibinintang sa kanila.
Kabilang din sina Gloria Romero (ina ni Patricia), Ricky Davao (Crisanto), German Moreno (Warden Ambrocio), Bella Flores (Olga Bella), Shyr Valdez (Yolly), Tom Olivar (Paquito), Augusto Victa (Warden Esteban), Alvin Enriquez (anak ni Juliet), Toby Alejar (Mike), Gigette Reyes (Adela), Mandy Bustamante (Leon), Romy Nario (Totoy), Carmen Enriquez (Atty. Jacob), Cris Daluz (Atty. Diaz), Sarah Gayotin (anak ni Viring), at Edwin O’Hara (Fr. Eusebio).
Sipnosis
Ang pelikula ay tungkol kay Angela, isang waitress sa isang beer garden, nang siya’y makulong sa city jail dahil sa salang nabigong pagpatay nang kanyang masugatan ang maybahay ng kanyang kalaguyo. Naging sentro ang kuwento tungkol sa mga nagaganap na katiwalaan sa loob ng kulungan noong mga panahong iyon na mali at minamadaling mga kaso ng mga bilanggo, at ang mabagal na pag-usad ng sistema ng hukuman sa bansa.
Nailantad din ang mga hindi kaaya-ayang kalagayan ng mga nakakulong, ang kakulangan ng espasyo, kapabayaan at salaulang kondisyon ng pasilidad, kabilang ang nagaganap na pang-aabusong pisikal at sekswal sa mga bilanggo, mga pangyayaring posibleng nagaganap pa rin hanggang ngayon. Naging matapang ang panulat ni Bautista dahil binibigyang pansin ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga babaeng preso. Kabilang na ang usaping legal kung maaari nga bang alagaan ng bilanggo ang kanyang anak habang nakakulong, at kung hindi ay mapapahintulutan o maibibigay pa ba sa kanya ang pangangalaga sa anak kung mapupunta naman ito sa ampunan o aalagaan ng institusyon ng pamahalaan, kung sakaling walang kamag-anak o guardian ang pansamantalang mag-aalaga sa anak ng bilanggo.
Panunuri
Ang emosyong hatid ng ‘Bulaklak sa City Jail’ ay mabibigat. Naging matagumpay ang manunulat at direktor upang mailarawan ang galit sa bulok na sistema ng lipunan at galit sa kung paanong niyuyurakan at hinuhubdan ng dignidad ang isang bilanggo sa nakalulugaming kalagayan ng piitan. Mararamdaman din ang galit dahil naaatim na mawalay ang anak sa piling ng ina kahit sabihing ang huli’y nagkasala sa batas.
Ayon sa blog ni Jzhunagev (22 Enero 2016) ng Dark Chest of Wonders, “Patunay na ang mga akdang gaya ng nobela ni Bautista upang salangin ang sensibilidad at buksan ang ating mga mata sa mga isyu sa lipunan na mula nang mahantad ay nabigyan na sana natin ng lunas sa simula’t simula pa. Ngunit kahit sabihin mang mayroon pa ring mga tao sa hanay ng pamahalaan na nais bigyang solusyon o tuldukan ang mga suliraning ito’y patuloy pa ring nababalam ang kanilang mabuting hangad. Kaya’t ngayon, kung ating titingnan ang kabuuang senaryo, mukha pa nga yatang mas nasadlak pa tayo sa kumunoy na patuloy na lumalamon sa atin. Ang tanong ngayo’y ito: may pag-asa pa ba tayong makaahon mula rito? Sana’y huwag tayong humantong sa tagpong tayo na mismo’y hindi pa makaaalpas sa piitang kinasadlakan at iniumang natin sa ating mga sarili.”
Pamunuan ng Produksyon
Binubuo ang buong produksyon ng pelikula ng mga batikan at premyadong manunulat, editor, at direktor. Kabilang sina Maritess Gutierrez at Andy Biag, Production Managers; Pearl Valdez, Production-in-Charge; Color Processing ng LVN Pictures; at Magnatech Omni, Post-Production Facilities.
Kasama din sina Johnny Araojo, Cinematographer; Efren Jarlego, Film Editor; Tony Aguilar, Music at Production Designer; Vic Macamay, Sound Mixer; Rodel Capule, Sound Effects; Ricardo B. De Guzman at Jon Jon Portugal, Assistant Directors; Jon Jon Portugal, Art Director; Lualhati Bautista, manunulat ng nobela at script; Archie at Cherry Cobarubbias, Producers; at Mario O’Hara, Director.
Mga Parangal
Ayon sa panunuri ni Engelbert Rafferty (2019) ng Film Police Reviews, “the film is considered a classic, no questions asked. Lualhati Bautista, the film’s writer, was praised for the screenplay that made it alive and fascinated the viewers as well as the dramatic performances of the cast members. Nora Aunor was also praised for her widely accepted and realized performance as Angela, whose character was described as a woman maltreated by society.”
Naging kalahok ang pelikula sa 1984 Metro Manila Film Festival at tumanggap ng sumusunod na parangal: Lualhati Bautista, Best Story at Best Screenplay; Celia Rodriguez, Best Supporting Actress; Tom Olivar, Best Supporting Actor; Nora Aunor, Best Actress; Mario O’Hara, Best Director; at Best Picture.
Sa sumunod na taon ay kinilala ng 33rd FAMAS Awards ang pelikula batay sa sumusunod: Lualhati Bautista, Nominado para Best Screenplay; Mario O’Hara, Nominado para Best Director; Nominado para Best Picture; Perla Bautista, Best Supporting Actress; at Nora Aunor, Best Actress.
Kinilala din ng Film Academy of the Philippines (Luna Awards) si Lualhati Bautista bilang Best Story Adaptation, 1985; at Catholic Mass Media Awards si Nora Aunor bilang Best Actress, 1985.
Ang Restoration
Ang pelikula ay naiscanned sa 4K ng ABS-CBN Film Archives gamit ang 35mm print mula sa ABS-CBN Film Archives collection.
Pinakahamon sa pelikula ay ang pagbabalik sa dating anyo ng kulay dahil sa isyu ng high contrast dulot ng kalumaan ng materyal. Kabilang sa mga suliranin para sa digital restoration ay ang alikabok/dumi ng film, patches, continuous patches, single frame scratches, flicker, stabilization, splice mark, bump, squeeze, gate hair, continuous dust, continuous line scratch, stain, mold, mis-light, vertical band, color breathing at film tear.
Nagawang maayos ang pelikula sa 2K na may 3,000 manual restoration hours sa Kantana Post-Production sa Thailand. Ang buong pelikula ay binubuo ng 1 oras, 42 minuto, at 8 segundo sa produksyon ng ABS-CBN Star Cinema.
Ang restored version ay unang ipinalabas sa Ayala Malls Manila Bay sa Lungsod Parañaque noong 11 Nobyembre 2019 Lunes bilang bahagi ng Cinema One Originals film festival. Dinaluhan ang okasyon ng mga natitirang gumanap at kasapi sa produksyon: ang mga aktor na sina Ricky Davao at Tom Olivar, film producer Cherry Cobarubbias, at dating akres at ngayo’y chef Maritess Gutierrez (na naging kinatawan din ng inang si Gloria Romero), mga staff at crew ng ABS-CBN Film Archives, at channel head ng Cinema One Ronald Arguelles. Dumalo din ang aktres na si Pinky (pamangkin ng namayapang Zenaida Amador, 1933-2008), aktres-producer na si Ruby Flores-Arcilla (anak ni Bella Flores, 1929-2013), at direktor Denise O’Hara (pamangkin ni Mario O’Hara, namayapa 2012).
Matapos maiupload sa YouTube ang pelikula ay agad na nakapagtamo ng mga positibong komento. Kabilang sina @adrielnickoteves8160, “Timeless movie” at @roymarkbatay2029 “One of the best”.
More Stories
KRIMEN SA METRO MANILA BUMABA
FILIPINO LAWYER DADALO SA INAGURASYON NI TRUMP
60-ANYOS PINUGUTAN NG ANAK; LAMAN-LOOB TINANGGAL