January 18, 2025

2 ARRIVING FOREIGNERS NAARESTO SA NAIA MATAPOS MAHULIHAN NG P97.8-M ILLEGAL DRUGS

Ang nasabat na droga sa NAIA. (ARSENIO TAN)

NASAKOTE nitong madaling araw ng Biyernes ang dalawang South African passengers na bagong lapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos umanong magpuslit ng P97,892,800 halaga ng illegal na droga.

Ayon kay NAIA District Collector Yasmin Mapa, nadakip ang mga hindi pinangalanang suspek ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) sa international arrival area ng Terminal 3.

Dakong alas-1:00 ng madaling araw nang sitahin ng X-ray operator sa international arrivals area ang bagahe ng dalawang pasahero dahil sa kahina-hinalang items. Ito ang nag-udyok sa operator upang ipaalam ang sitwasyon sa NAIA-IADITG para sa karagdagang inspeksyon.

Sa pamamagitan ng manual inspection, nadiskubre ng mga awtoridad ang 14 kilo ng shabu na itinago sa iba’t ibang items, kabilang ang handbags, pakete ng potato chips at biskwit, compartment ng isang libro at improvised pouches.

Dinala ang mga nasabat na droga sa PDEA para sa documentation at disposition procedures.

Nasa kustodiya na ng PDEA ang mga suspek na nahaharap sa kaso dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, pinuri ni PBGen Christopher M Abecia, ang NAIA-IADITG para sa kanilang pagbabantay at dedikasyon sa paglaban ng smuggling ng droga sa pinakamalaking international gateway ng Pilipinas.

“This operation is a testament to the commitment of our task force in protecting our borders and ensuring the safety of the public,” ayon kay Abecia. (ARSENIO TAN)