January 12, 2025

Halos P1 milyon shabu, nasabat sa HVI tulak sa Valenzuela

TIMBOG ang isang babaeng tulak ng illegal na droga na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng halos isang milyong peso halaga ng shabu nang maaresto ng pulisya sa buy bust operation sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) ActinG Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban ang suspek na si alyas “Shiela”, 46, ng Brgy. Gen T De Leon.

Ayon kay Col. Cayaban, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Capt. Joan Dorado ang buy bust operation matapos ang natanggap na impormasyon na patuloy umano ang pamamayagpag ng suspek sa pagbebenta ng shabu.

Batay sa record, dati nang nadakip ng SDEU ang suspek sa buy bust operation noong November 2023 subalit, nang makalabas ay muli umano itong nagpatuloy sa kanyang illegal drug activities.

Dakong alas-4:20 ng hapon nang arestuhin ng mga tauhan ni Capt. Dorado ang suspek sa Pardrigal Extension, Brgy. Karuhatan matapos umanong bintahan ng P14,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska sa suspek ang nasa 140 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P952,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill at 14-pirasong P1,000 boodle money, P400 recovered money, cellphone at sling bag.

Sinabi PMSg Ana Liza Antonio na kasong paglabag sa Sections 5 at 11 under Article II of RA 9165 ang isasampa nila laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (JUVY LUCERO)