January 11, 2025

Negosyante, dinampot sa panghahampas ng bote sa kainuman at pagpapaputok ng baril

ISINELDA ang isang junkshop owner matapos hampasin ng bote sa bibig ang isa sa kainuman bago kumuha ng baril at nagpaputok sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

Sa tinanggap na ulat ni Northern Police District (NPD) Acting District Director P/Col. Josefino Ligan kay Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, habang nag-iinuman ang magkabarkadang sina alyas “Paul”, 23, ng Caingin St., Brgy. Parada at alyas “Allen”, 22, sa tabi ng basketball court sa Dominador Asis St. Brgy. Gen. T. De Leon nang dumating at nakisali ang suspek na si alyas “Aristeo”, 46, na hindi naman umano kinukumbida.

          Habang nag-uusap dakong alas-2:30 ng madaling araw, biglang dinampot ng suspek ang isang bote na walang laman at hinampas sa bibig si ‘Pual’ na dahilan upang matanggal ang isang ngipin ng biktima na sa labis na takot ay nagtatakbo saka nagtago.

Hindi pa nasiyahan, umuwi sandali ang suspek at paglabas ng bahay, nagpaputok ng hawak na baril bago sumakay sa kanyang motorsiklo at umalis sa naturang lugar.

Sinamahan naman ng saksing si ‘Allen’ ang biktima na i-report sa mga tanod ng Brgy. Parada ang pangyayari bago humingi sila ng tulong sa Gen. T. De Leon Police Sub-Station-2 (SS2).

Kaagad namang inatasan ni SS2 Commander P/Capt. Ronald Bautista ang kanyang mga tauhan na magsagawa ng follow-up operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek habang nakaupo sa kanyang Isuzu DMax na nakaparada sa harap ng kanyang bahay sa Block 4, Lot 5, Dominador Asis St., Brgy. Gen. T. De Leon.

Ayon kay Col. Cayaban, nakuha kay Aristeo ang isang kalibre 5.56 rifle na may 17 pang bala at isang kalibre .45 pistola na may anim na bala sa magazine na parehong walang kaukulang lisensiya habang na-rekober naman sa lugar ng piangyarihan ng insidente ang isang basyo ng bala ng kalibre 5.56 at ang basag na bote ng beer na isinungalngal ng suspek sa biktima.

Mga kasong Serious Physical Injuries, Illegal Discharge of Firearms at paglabag sa R.A. No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang kakaharapin ng suspek sa piskalya ng Valenzuela City.