NANAWAGAN si Senador Win Gatchalian ng patuloy na pagkilos laban sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO upang matiyak na wala nang natitirang mga POGO sa bansa na nag-ibang anyo na.
“Kailangan nating ipagpatuloy ang ating pagsisikap na mapaalis ang lahat ng mga sindikatong produkto ng mga POGO. Ipagpatuloy natin ang laban na ito para sa kapakanan ng ating mga kababayan,” sabi ni Gatchalian na, sa higit dalawang taon ay, nagsulong ng pagpapahinto ng lahat ng operasyon ng POGO sa bansa.
Natapos na noong Disyembre 31 ng nakaraang taon ang deadline para ihinto na ng mga POGO ang kanilang operasyon sa bansa. Pero nagbabala si Gatchalian na nagpapanggap na sila ngayong iba’t ibang uri ng negosyo tulad ng Business Process Outsourcing (BPO), resorts, at restaurants, para mapagtakpan ang kanilang mga iligal na aktibidad.
“Ang lahat ng law enforcement agencies, sa pakikipagtulungan sa mga local government units at lahat ng mamamayan ay dapat manatiling mapagmatyag laban sa presensya ng mga POGO na nagkukunwaring lehitimong negosyo,” ani Gatchalian.
Nagbabala pa ang senador laban sa posibleng pagpapabaya at binigyang-diin na ang pagbabagong anyo ng mga POGO ay nagdudulot ng mga panganib sa kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko. Binanggit niya ang impormasyon mula sa Bureau of Immigration (BI) na nagsabing nakikipagtulungan ito sa iba pang ahensya upang mahanap ang higit sa 11,000 na dating mga manggagawa ng POGO na nakatakdang i-deport.
Sinabi niya na ang mga ilegal na dayuhan ay posibleng masangkot sa mga kriminal na gawain, tulad ng pangingidnap at pagnanakaw, kasunod ng mga ulat ng naturang mga insidente.
“Dahil sa ayaw nilang umalis at mas gusto nilang manatili sa bansa kahit na walang legal na batayan, maaari nating ipagpalagay na ang mga ilegal na dayuhan na ito ay sangkot sa mga bagay na labag sa batas at ang pagiging mapagmatyag ng lahat ay kinakailangan upang matiyak na ang mga naturang aktibidad ay mapigilan at ang mga dayuhan na ito ay makaalis na ng bansa sa lalong madaling panahon,” aniya.
Pinuri rin ni Gatchalian ang Office of the Solicitor General (OSG) sa hakbang na kanselahin ang mga birth certificate na ibinigay sa mga dayuhan sa ilegal na pamamaraan.
“Bagama’t pinupuri natin ang OSG sa kanilang aksyon, gusto din nating hilingin na mas bilisan pa ang kanilang pagkilos laban sa mga mapagpanggap na dayuhan para mas mapigilan pa ang kanilang mga mapang-abusong gawain dito sa bansa,” pagtatapos niya.
More Stories
PNP SPOKESPERSON, REGIONAL DIRECTOR NA
DA: IMPORTED NA BIGAS HANGGANG P58/KG
UKRAINIAN MMA FIGHTER BAGSAK KAY DENICE ZAMBOANGA