PORMAL nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang P6.352-trilyong national budget para sa susunod na taon.
Sa ginanap na ceremonial signing sa Malacañang, ibinida ng Palasyo ang ginawang rebisyon ni Marcos sa kontrobersyal na General Appropriations Bill (GAB) na pinagtibay ng Senado at Kamara sa bisa ng Bicameral Conference Committee.
Para kay Marcos, malaking bentahe sa isinusulong na kaunlaran ng Pilipinas ang 2025 national budget na aniya’y 10.1 percent na mas mataas kumpara sa kasalukuyang budget na P5.768.
Bagamat may mga bahagi aniya ng 2025 GAB ang nilapatan ng “veto power” para sa mga tinaguriang “insertion,” iginiit ng Pangulo na walang puwang sa administrasyon ang anumang hakbang na magdudulot ng pagkaantala sa mga programa ng pamahalaan.
Tablado naman aniya ang hirit na reenacted budget.
“A reenacted budget will set us back, delay our vital programs, jeopardize targets for economic growth, including our goals for achieving single-digit poverty levels, and upper middle income status,” wika ni Marcos sa isang talumpati.
Kabilang sa mga ginamitan ng “veto power” ang mahigit P194 billion na halaga ng line items na hindi naaayon sa mga mahalagang programa ng pamahalaan, kabilang na ang alokasyon sa ilang programa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ilang Unprogrammed Appropriations na tumaas ng hanggang 300 percent.
Nagsalita na aniya ang sambayanan kaya dapat bawat sentimo ay kailangan mapunta sa mga programang mag-aangat sa buhay ng mamamayan, magpapatatag sa mga komunidad at magbibigay ng kasiguraduhan sa pag-unlad ng Pilipinas.
“After an exhaustive and thorough review, we have directly vetoed over 194 billion worth of the line items that are not consistent with our programmed priorities. These include allocations for certain programs and projects of the DPWH, and those of the Unprogrammed Appropriations, which increased by 300 percent,” dagdag ng Pangulo.
Sa ilalim ng pambansang budget, 10 ahensya ng gobyerno ang pinaglaanan ng malaking bahagi ng pondo kabilang na ang Department of Education (P1.055.9 trillion), Department of Public Works and Highways ( P1.007.9 trillion), Department of Health (267.8 billion), Department of Interior and Local Government (P279.1 billion), at Department of National Defense (P315.3 billion).
More Stories
PBBM nireorganisa NSC… VP SARA, MGA DATING PANGULO OUT!
POC busy na para sa 1st Winter Olympics Harbin Games – Tolentino
Iwas pila… NAVOTAS ISINUSULONG ANG ONLINE BUSINESS PERMITS