January 3, 2025

Araw ni Rizal, Ginunita

GINUNITA ang ika-128 anibesaryo ng pagkamatir ni Dr. Jose P. Rizal ngayong 30 Disyembre 2024 Lunes ng umaga sa kabila ng pag-ulan na naganap ang seremonya ng pagtataas ng bandila at pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ng bayan isa Liwasang Rizal, Lungsod Maynila, na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. Kasama ng pangulo sa seremonya ang Unang Pamilya at si Regalado T. Jose Jr, Tagapangulo ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (National Historical Commission of the Philippines o NHCP, itinatag 1933).

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang seremonya at pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ng pambansang bayani sa Araw ni Rizal 2024.  (Kuhang larawan mula sa NHCP)

Sumentro ang pagdiriwang sa temang “Rizal sa Bagong Pilipinas: Buhay at Aral, Aming Nilalandas”. Sa opisyal na mensahe ni Pangulong Marcos Jr. ay binanggit niya na sa mga nagawa ni Dr. Rizal ay mababatid na ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa sarili.

Pasinaya ng special exhibit ng NHCP.
(Kuhang larawan mula sa NHCP)

Matapos ang seremonya ay pormal na pinasinayaan ang special exhibit na “Remembering Rizal in Artworks and Monuments” sa main lobby at ikalawang palapag ng NHCP Main Building sa Kalye Teodoro M. Kalaw, Ermita, Lungsod Maynila. Pinangunahan ang pagbubukas nina Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, Tagapangulo ng NHCP Regalado T. Jose Jr., Executive Director Carminda R. Avevalo. Kasama ng Unang Ginang ang mga anak na sina Joseph Simon at William Vincent.

Dumalo din sa pasinaya sina Victorino Mapa Manalo, Tagapangulo at Eric Zerrudo, Executive Director ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (National Commission for Culture and the Arts o NCCA, itinatag 1992); Dr. Arthur P. Casanova, Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (unang pagkabuo 1937, nireporma 1991); at Jezreel Apelar, Executive Director ng National Parks Development Committee (itinatag 1963).

Ang Unang Ginang at anak na si Joseph Simon
(Kuhang larawan mula sa NHCP)

Tampok sa exhibit ang anim na orihinal na likhang sining ni Dr. Jose P. Rizal (1861-96), mga pinta ni Fernando C. Amorsolo (1892-1972, Pambansang Alagad ng Sining sa Pinta 1972) at Carlos “Botong” Francisco (1912-69, Pambansang Alagad ng Sining sa Biswal 1973), at mga kuhang larawan na naging kalahok sa pandaigdigang patimpalak ng Pambansang Bantayog ni Rizal (1905-07).

Ang publiko ay maaaring bumisita sa exhibit simula 30 Disyembre 2024 hanggang 28 Pebrero 2025 Lunes-Biyernes, 08:00 Umaga hanggang 04:00 Hapon.

Karatula ng Araw ni Rizal 2024 sa Manila Freedom LED
(Kuhang larawan mula sa NHCP)

Samantala nakiisa ang Strongmedia Advertising Solutions sa paglabas ng opisyal na karatula ng Araw ni Rizal 2024 sa Manila Freedom LED na nasa kanto ng Kalye Nicanor Reyes at España Boulevard, Maynila. A

Maligayang Araw ni Rizal!